KATEGORIKAL na sinabi ni Eric Pineda, business manager ni Manny Pacquiao na todo-pokus ngayon ang Pambansang Kamao sa kanyang trabaho bilang Senador ng bansa at walang balak na lumaban sa Oktubre gaya nang kumakalat na balita.
Matatandaan na may reserbasyon si Bob Arum ng Top Rank sa Mandalay para sa Oktubre 15 ng posibleng comeback ni Pacman kontra umano sa mapipili kina Adrien Broner, Terrence Crawford o Danny Garcia.
Si Pacquiao ay abala ngayon sa kanyang political career pagkaraang magretiro nitong taon pagkatapos makumpleto ang trilogy nila ni Timothy Bradley.
Inamin ni Pineda sa isang interview ng isang pinagpipitaganang broad sheet na todo nga ang ginagawang pagkumbinsi sa Pambansang Kamao na bumalik sa ring sa Oktubre para sa nasabing reserbadong petsa ng laban. Pero tinanggihan ito ni Pacquiao dahil sa pagkakataong ito ay una sa Pinoy pug ang paglilingkod sa bayan bilang Senador.