KINOMPIRMA ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), tukoy na nila ang mga pulis na kabilang sa tinaguriang ‘Ninja’ group na sangkot sa illegal drug trade.
Ayon kay PNP Spokesperson, Senior Supt. Dionardo Carlos, ang nasabing mga pulis na miyembro ng ‘Ninja’ group ay nag-o-operate sa Metro Manila.
Tinawag itong ‘Ninja Group’ dahil inire-recycle nila ang nakompiskang mga droga.
Ayon kay Carlos, may listahan sila ng mga pulis na kabilang sa ‘Ninja Group.’
Panawanagan ng PNP sa kanilang mga kasamahan na kabilang sa nasabing grupo, na sumuko na lamang.
Sinabi ni Carlos, bagama’t may listahan na sila ng nasabing mga pulis, tumanggi siyang pangalanan ang mga suspek.
Una rito, binigyan ng 48 hours ni PNP Chief, PDGen. Ronald Dela Rosa ang mga drug lord na pulis para sumuko.
Pahayag ni Dela Rosa, hindi niya masikmura ang nasabing kalakaran ng nasabing mga pulis kaya’t dapat na nila itong itigil.
Samantala, tiniyak ni Dela Rosa na magpapatuloy ang isasagawang surprise drug test sa lahat ng mga pulis sa buong bansa.
SOLDIERS BIBIGYAN NG POLICE POWER VS DRUGS – AFP CHIEF
MAKAKATUWANG ng pambansang pulisya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Ricardo Visaya, sa isinagawang command conference nitong Biyernes na pinangunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, binigyang-diin niya ang kanyang prayoridad na palakasin ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Sinabi ni Visaya, mismo si Pangulong Duterte ang nagsabi na bibigyan niya ng police power ang mga sundalo nang sa gayon ay makapag-operate sila laban sa ilegal na droga.
Pahayag ni Visaya, magpapalabas ng executive order ang pangulo hinggil dito.
Nais ng pangulo na tumulong ang militar sa kampanya laban sa illegal drug trade.
Ang pagbibigay ng police power sa mga sundalo ay para tulungan ang PNP sa pagtugis sa bigtime drug lords na nag-o-operate sa iba’t ibang bahagi ng bansa.