TANGING si Commission on Elections (Comelec) chief Andres Bautista lamang ayon kay Commissioner Rowena Guanzon, ang may gustong i-postpone ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Guanzon, sa katunayan ay isinulong niya ang pag-aapruba ng budget para sa nasabing halalan na nakatakda sa Oktubre 31.
Inihayag ni Guanzon, ang iba pang Comelec commissioners ay nais matuloy ang barangay at SK polls at tanging si Bautista lamang ang may gusto na i-delay pa ito.
“I moved for approval of budget for barangay and SK elections.We’re working in En Banc. Bautista wants to postpone, we don’t,” Twitter post ni Guanzon.
Magugunitang sinabi ni Bautista kamakailan, mas mabuti nang i-postpone ang eleksiyon dahil ang kaakibat nang pagsasagawa nito ay karagdagang gastos.
Matatandaan din, noong nakaraang linggo lang ay sinabi ni Guanzon na siya, at sina Commissioners Luie Guia at Christian Robert Lim ay ayaw nang makialam sa preparasyon at pagsasagawa ng nasabing eleksiyon at ipauubaya sa pangunguna ng poll body chief.