PATAY ang limang lalaki sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa isang shanty area sa Quiapo, Maynila kahapon ng umaga.
Ayon kay Chief Inspector Michael Garcia ng Manila Police District Station 3, naganap ang palitan ng putok sa bahagi ng Arlegui St., sa Quiapo.
Pahayag ni Garcia, nakakompiska ang mga pulis ng isang suspicious-looking makeshift boat sa Estero de San Miguel na ginagamit sa pag-deliver ng droga.
Aniya, nanggaling ang nasabing bangka sa Golden Mosque Islamic Center sa Duque de Alba St., at patungo sa isang compound sa Arlegui Street.
Nang magtungo ang mga pulis sa Arlegui St., para magsagawa ng inspeksiyon ay pinaulanan sila ng bala ng mga suspek.
Nasa proseso pa ang mga pulis para kilalanin ang limang napatay na mga suspek.
Pinaniniwalaang nasa 200 gramo ng shabu ang nasabat ng mga pulis sa napatay na mga suspek.
Bukod sa pinaniniwalaang shabu, nakompiska rin ng mga pulis ang ilang matataas na kalibre ng armas.
Sinasabing matagal nang minamanmanan ng mga pulis ang mga suspek na kilala sa pagtutulak ng ilegal na droga.
( LEONARD BASILIO )
Nasa MPD watchlist
DRUG PUSHER PATAY SA BUY-BUST OPS
BUMULAGTANG walang buhay ang isang sinasabing notoryus na tulak ng droga sa isinagawang anti-illegal drug operations/ buy-bust operations ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa loob ng Maynilad Compound, Breakwater, R-1, Brgy. 101, Tondo, Maynila, dakong 4:30 am kahapon.
Kinilala ni Acting Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Supt. Oscar Albayalde, ang suspek na si Gilbert Pondario alyas Nunoy Vulcan, 31, at miyembro ng Batang City Jail.
Narekober sa suspek ang isang .30 caliber revolver na may apat bala, apat piraso ng plastic sachet ng shabu na may street value na P8,500.
Ayon sa pulisya, nanlaban ang suspek sa mga pulis kung kaya’t binaril siya ng mga awtoridad.
( LEONARD BASILIO )
DRUG LORD UTAS SA SHOOTOUT, 9 ARESTADO
PATAY ang isang lalaking pinaniniwalaang drug lord makaraan makipagbarilan sa mga pulis habang siyam katao ang naaresto sa Taytay, Rizal kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Senior Supt. Adriano Enong Jr., Rizal PNP provincial director, may tumawag na isang concerned citizen at ini-report ang ilang kalalakihang armado ng baril sa Blk. 9, Tapayan St., Lupang Arenda, Taytay, dakong 5:15 pm.
Bunsod nito, agad nagtungo sa lugar ang magkasanib na puwersa ng Rizal Provincial Intelligence Bureau, Special Operation Unit at Taytay PNP.
Ngunit bago makalapit sa lugar ang mga pulis ay pinaulanan sila ng bala ng mga suspek.
Bunsod nito, gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng hindi nakilalang lalaki na pinaniniwalaang isang drug lord.
Pagkaraan ay nadakip ang siyam katao na nakompiskahan ng ilang gramo ng shabu at drug paraphernalia
( ED MORENO )
EX-CON NA SANGKOT SA DROGA, INUTAS
CAUAYAN CITY, Isabela – Patay ang isang lalaking kalalabas lamang sa kulungan makaraan pagbabarilin sa harapan ng kanyang bahay sa Santiago City kamakalawa.
Ang biktima ay kinilalang si Jimboy de Leon, 26, may-asawa, isang tricycle driver, at residente ng Purok 4, Luna, Santiago City.
Inihayag ni PO2 Elmer Gawiran, imbestigador ng Presinto Dos ng Santiago City Police Office, ang biktima at ilang kasamahan ay nag-iinoman sa harapan ng kanyang bahay nang may dalawang sakay ng motorsiklo ang tumigil sa kanilang kinaroroonan.
Sinasabing ang biktima ay kalalabas lamang sa kulungan dahil sa kasong droga.