NAWALAN ng tirahan ang 300 pamilya sa naganap na sunog sa Brgy. Moonwalk, Parañaque City nitong Sabado ng gabi.
Base sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 10:30 pm nang sumiklab ang apoy sa bahay ng isang Linda Dejumo.
Mabilis na kumalat ang apoy dahilan para itaas ang alarma sa Task Force Alpha makalipas ang isang oras.
Bagama’t nataranta, mabilis na naitabi ng mga residente ang kanilang mga gamit.
Sa kabila nito, hindi bababa sa 80 bahay ang naabo sa sunog na nag-iwan ng P1.5 milyong danyos.
Handang magpaabot ng tulong ang mga opisyal ng barangay sa mga naapektohang pamilya.
Inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog. Walang nasaktan o namatay sa insidente.