BACOLOD CITY – Swak sa kulungan ang isa sa mataas na lider ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Negros Island Region (NIR).
Batay sa kompirmasyon ni 2Lt. Revekka Knothess Roperos, spokesman ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army, naaresto ang NPA leader na si Marilyn Badayos alyas Ka Nita, sa isang check point sa Siaton, Negros Oriental, kasama ng kanyang driver sa motorsiklo.
Ayon kay 2Lt. Roperos, si Ka Nita ay may warrant of arrest sa kasong homicide at attempted homicide sa korte ng Dumaguete City.
Bukod dito, sangkot din si Ka Nita sa maraming insidente ng pag-ambush sa army at pulis sa rehiyon at ang huli ay nangyari noong 2016 na ilang pulis at army ang namatay sa Negros Occidental.
Batay sa monitoring ng army, si Ka Nita ay secretary ng NPA southwest front at kasapi ng executive committee ng NPA sa Negros Island.