BINIGYANG-DIIN ni bagong Chief PNP Ronald dela Rosa, magiging maigting ang gagawin niyang paglilinis sa kanilang hanay mula sa scalawags na mga pulis.
Sa kanyang pormal na pag-upo bilang bagong PNP chief, sinabi ni Dela Rosa, partikular niyang binalaan ang mga kotong, abusado, tamad at sindikatong mga pulis na bilang na ang mga araw.
Ayon kay Dela Rosa, binibigyan niya ng 48 oras ang mga pulis lalo sa Metro Manila, na nagyayabang pang taga-recycle ng mga nakokomspiskang shabu ang mga boluntaryong sumuko na lamang sa kanya.
Kung hindi, mas mabuting mag-AWOL na lamang daw ang nasabing mga pulis, mag-full time drug lord at makipaggiyera na lang sa kanila.
Iginiit ni Dela Rosa, hindi niya masisikmura ang kasalukuyang kalakaran at kailangan nang matigil, kundi tatapusin niya ang masamang buhay ng scalawag na mga pulis.
Duterte sa Tondo residents
MAGNEGOSYO KAYSA MAGDROGA AT MAPATAY
PAGKAKALOOBAN ni Pangulong Rodrigo Duterte nang pagkakaabalahang negosyo ang mamamayang nasa ‘depressed areas’ para makapagsimula at maiangat ang sarili sa kahirapan imbes pumasok sa illegal drugs trade.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag kamakalawa ng gabi makaraan makipagsalo-salo sa hapunan ang mga residente ng Tondo, Maynila.
Sinabi ni Pangulong Duterte, bibigyan niya ng konting puhunang pang-negosyo ang mga residente at kapag napalago ay saka isasauli sa gobyerno ang puhunan para magamit naman ng iba.
Muling inulit ng Pangulong Duterte ang babala niya sa mga lulong at sangkot sa ilegal na droga na mabubura sila sa mundo kapag hindi tumigil sa kanilang masamang bisyo.
“Kaya ‘yung mga kapital na ibibigay ko sa inyo. Maliliit lang naman sabi ko ‘yung mga anak ninyo baka gusto nilang mag-negosyo, grupo sila at bagong graduate. Instead of going to drugs, you might want to put up a business. Sabihin ko sa inyo, itong mga panahon, itong mga araw na darating, kung may punerarya ho kayo, kikita kayo nang husto,” dagdag ni Pangulong Duterte.