E paano ang adik na tanod at nagbabangketang QC pulis?
Almar Danguilan
June 28, 2016
Opinion
KAHANGA-HANGA ang programang inilunsad ng Quezon City Police District (QCPD) – ang Oplan Kapak. Layunin ng oplan ay pasukuin ang mga user, tulak, runner at ibang karakter na may kinalaman sa ilegal na droga.
Napasuko ng QCPD sa tulong ng mga baranagy officials mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod ang mahigit sa 1,000 addicts, pushers, at runners.
Malaki ang naging tulong ng barangay officials sa program dahil sila ang nagtiyagang kumatok sa bahay ng mga adik para sumuko upang sila’y tulungan magbago.
Ang mga sumuko ay kinabibilangan ng mag-ama, maglolo, matiyuhin, magkapatid, may mga menor-de-edad din. Ang mga sumuko na dinala sa QCPD Headquarters sa Kampo Karingal ay isinailalim sa drug test at ang matutuklasang lulong na paggamit ay ipapasok sa rehabilitation center.
Habang ang ibang sumuko na walang trabaho ay tutulungan magkatrabaho at ang mga out-of-school youth kung interesado ay tutulungang makapag-aral muli sa pamamagitan ng programang alternative learning system ng QC government o ‘di kaya ipapasok sa TESDA.
Masarap pakinggan ang mga ipinangako sa mga sumuko –napakadaling sabihin nito pero mangyayari naman kaya? May sapat na pondo ba ang lokal na pamahalaan ng Kyusi?
Mayroon naman kung sa mayroon pero hanggang saan kaya tataya ang lokal na pamahalaan para sa mga biktima ng ilegal na droga? Sana ay hindi lamang hanggang pagpapasuko ang serbisyong iabot sa 1,000 surrenderee (at sa mga susuko pa) kundi totohanin ito.
Hindi naman tayo duda sa gagawing pagtulong kundi alam natin na madalas ay nagagamit ang marami sa pagpapapogi at madalas ay hanggang umpisa lang ang pagtulong.
Ngunit, mukhang kulang ang personalidad ng mga sumuko at katanungan sa mga sumuko.
Kulang sa personalidad? Lumalabas kasi na tila tsinani ng ilang barangay officials ang kanilang pinasuko.
Oo, hindi naman siguro lingid sa kaalaman ng mga barangay official at kanilang mga tanod na may mga barangay tanod na gumagamit din ng shabu. Ba’t hindi sila pinasuko o kinatok sa kanilang bahay? E teka, in fairness nga naman, baka walang adik na tanod sa Quezon City, baka wala rin tulak na tanod kaya, walang sumuko o pinasukong tanod. Talaga?
Katanungan ng mga pulis sa mga sumuko kulang din. Kulang? Hindi ba isa sa kondisyon sa pagsuko ay kinakailangan ikanta ng adik kung saan o kung kanino sila bumibili ng droga?
Mabigat ang kondisyon pero paano naman ang seguridad ng mga kakanta? Babantayan ba sila ng mga pulis sa loob ng 24-oras para hindi balikan ng mga katropa ng ikinanta?
Nagbabangketang pulis, ‘di inalam ng QCPD
E ano naman iyong kulang na katanungan ng mga pulis Kyusi sa mga sumuko? Hindi itinanong sa mga sumuko kung sino-sino ang mga pulis na mahigpit manghuli pero hindi naman itinutuluyan o dinadala sa presinto ang kanilang mga huli at sa halip iniikot lang para kotongan. In short, para ibangketa.
Oo may mga pulis din sa Station Anti-Illegal Drugs ng 12 estasyon ng pulisya sa QC ang mahilig magbangketa.
Chief Supt. Edgardo G.Tinio, QCPD director, hindi pa naman huli para ihabol ang mga katanungang ito. Inaasahan naman na marami pang susuko sa susunod na araw kaya, hopefully ay may mabingwit na rin kayong mga pulis-QC na mahigpit magbangketa.