Hinggil naman sa may mga pagkakataon na nagkakatotoo ang panaginip mo, maaaring ito ay nagkakataon lang naman. Ang panaginip ay bunga ng mga bagay na ating nakikita, nararanasan, at nararamdaman sa ating kapaligiran at mga taong nakakahalubilo natin sa pang-araw-araw na buhay. Ito ay maaaring galing din sa ating pananaw sa buhay, kinukuyom na takot, galit, agam-agam, alalahanin, mga dating karanasan, at mga bagay na katulad nito na naiimbak sa ating subconscious. Maaaring ang mga bagay na ito ay naisip, narinig, o naranasan natin mismo ng direkta. O kaya ay sinabi lang ng iba sa atin o naikuwento, nabasa sa libro o pahayagan o katulad na mga bagay, napanood sa TV o sa sine at iba pang mga bagay na na-encounter natin bago tayo natulog, sa mga nakaraang araw o linggo, at may mga ilang pagkakataon din na sadyang matagal nang karanasan na animo de javu na nagbalik lang sa ating kaisipan at pananaw sa buhay sa pamamagitan ng panaginip. Dito kadalasang nanggagaling ang bunga ng ating mga panaginip at siyang pangunahing sanhi o direksiyon ng mga bagay na lumalabas sa ating panaginip. Ngayon, may mga pagkakataong nagkakatotoo talaga ang panaginip na sadyang detalyado pa. Pero hindi naman ito madalas mangyari at masasabi ngang bihira lang ito. Gayunman, mas nabibigyan lang ng diin ang ganitong mga pagkakataon dahil kadalasang nagmamarka sa ating isipan ang ganitong bagay o insidente dahil sa scope nito at bunsod nga ng katotohanang nagkatotoo ang isang bagay na nakita lang sa panaginip-dahil hindi naman lahat ay nakararanas nito. Na ang iba ay iniisip agad na ito ay isang signos o senyales ng kung anumang bagay na may mas malalim pang implikasyon at kahulugan na mahirap ipaliwanag ng simpleng lohika. Subalit kung ang isang maituturing na ordinaryong panaginip ay nagkatotoo, hindi ba’t magkikibit balikat lang tayo o mapapangiti at hindi natin ituturing na big deal ito o isang bagay na mahirap paniwalaan at bigyan ng kahulugan? Kasi nga ay ordinaryo lang at hindi earthshaking o makapanindig-balahibong karanasan ito. Pero sa katotohanan, mas bihira lang na nagkakatotoo ang ating mga panaginip. At kung mangyari man ito, madalas ay nagkakataon lang iyon at wala naman talagang significant na kahulugan. Halimbawa, ikaw ay magbabakasyon sa unang pagkakataon sa isang lugar na maraming snow, natural lang na ma-excite ka at ito ay asamin at isipin mo lagi. Ang resulta nito, mas malaki talaga ang tsansa na managinip ka na ikaw ay nasa isang lugar na maraming snow bago pa man magkatotoo o dumating ang iyong pagbabakasyon. At sa oras na magkaroon na ng katuparan at dumating na ang iyong pinakahihintay na bakasyon, malaki ang posibilidad na isipin mo o sabihin mo sa iyong sarili na parang napanaginipan mo na ang iyong ginagawa o kasalukuyang nararanasan, pero ito ay bunsod lamang ng katotohanang dahil laging naging laman ito ng iyong isipan. Kaya wala namang halos masasabing kataka-taka sa mga pagkakataong nagkakatotoo ang ilan sa ating panaginip dahil nanggagaling din nga sa atin mismo ang lumalabas sa ating mga panaginip.
Señor H.