Balcoba Murder Case: Grabe to the max na ang krimen sa Maynila
Percy Lapid
June 3, 2016
Opinion
INIHATID na sa kanyang huling hantungan kamakalawa ang tabloid reporter na si Alex Balcoba.
Ang pagkakapaslang kay Balcoba ang barometro na grabe at sukdulan o to the max na ang krimen sa Maynila, ang area of responsibility (AOR) ni Director Chief Supt. Rolando Nana, magreretirong hepe ng Manila Police District (MPD).
Pero sa halip na puspusang ipahanap ang pumaslang kay Balcoba, trabahong tamad ang gustong pairalin ni Gen. Nana at sa publiko na lang iasa ang paglutas sa karumal-dumal na krimen.
Nag-alok na lang ng P50,000 reward si Nana sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa killer ni Balcoba at bumakas pa ang MPD Press Corps ng P50,000 kaya umabot na sa P100,000 ang pabuya.
Halatang nagpapalipas na lang ng oras si Nana dahil pag-upo ni Pres. Rody Duterte ay siguradong sisibakin siya sa puwesto kaya pakitang-tao na lang ang pabuya para sa impormante sa Balcoba murder.
Kung balewala nga kay Nana na mataguriang sentro ng illegal drugs trade ang Maynila, media killing pa ang bigyan niya ng atensiyon?
Naglipana rin ang mga drug addict at hindi lumipas ang isang araw na walang naganap na patayan sa lungsod pero tila wa-effect lang kay Nana.
Mismong si Duterte ay tinukoy kamakailan na isang general sa Maynila ang patong sa droga, marami na ang naipong drug money kaya dapat na aniyang lumayas sa serbisyo bago pa siya maupo sa Palasyo.
Marami ang nagtatanong kung bakit kailangan na si Duterte pa ang magbanta sa general samantala ang hepe ng Getafe, Bohol police chief ay sinibak ng police provincial director dahil sa pagkabigong mahuli ang isang druglord na nadakip ng Bohol Provincial Office.
Hindi natin maunawaan kung anong bertud mayroon si Nana at hindi siya makanti nina NCRPO Chief Joel Pagdilao at PNP Chief Ricardo Marquez?
Lahat ng malalaking bulto ng droga ay sa Maynila nahuli o kaya ang mga suspect ay sa Maynila nakatira.
Sa kasaysayan ay sa panahon lang ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada bilang alkalde ng lungsod, at ni Nana bilang MPD chief, nagkaroon ng shabu laboratory sa Maynila.
Sa kanilang termino lang rin nabigyan ng mayor’s permit ang isang flower shop sa Binondo pero shabu pala ang itinitinda.
Si dating South Cotabato Gov. Ismael “Mike” Sueno na ang magiging DILG Secretary sa administrasyong Duterte, uubra pa kaya ang pagka-konsintidor ni Erap sa illegal na droga?
Mapapanagot kaya ni Sueno ang mga pulis-Maynila na sabit sa droga?
Inaabangan ng publiko ang pagtupad ni Duterte sa pangakong wawalisin ang kriminalidad sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
At ang pinakamainam na sampolan ay walang iba kung ‘di ang Maynila mismo na naturingan pa man ding kabisera ng bansa.
Ibalik sa mamamayan ang nakaw na yaman
DALAWANG administrasyon na ang lumipas pero hanggang ngayo’y hindi pa rin naibabalik ni Erap ang ninakaw sa kaban ng bayan alinsunod sa pinal na hatol sa kanya ng Sandiganbayan na guilty sa kasong pandarambong.
Hanggang ngayon ay P417.86 milyon pa ang utang ni Erap sa bayan.
Batay sa ulat, ang halagang ito’y nakalagak sa mga kompanyang Wellex at Waterfront na nakapangalan sa pamilya ni Senator-elect Sherwin Gatchalian.
Kung nabahag ang buntot ng gobyernong Arroyo at Aquino sa sentensiyadong mandarambong, aba’y inaasahan ng publiko na malalasap ni Erap ang kamay na bakal ni Duterte.
Paano ilalaban sa korte ang pagbawi ng salaping dinambong gayong pinal ang desisyon at hatol ng Sandiganbayan kay Erap sa kasong pandarambong?
Sa ayaw at sa gusto ni Erap, dapat ipatupad ng gobyerno ang hatol ng Sandiganbayan sa pamamagitan ng pagkompiska sa mga ari-arian niya at ng kanyang pamilya hanggang mabuo ang katumbas na halagang ipinababalik sa kanya tulad ng Boracay Mansion sa Quezon City.
Kaya pa bang sabihin ni Erap na pang-Davao City lang si Duterte?
Maipakulong kaya ang mga Gatchalian at si Butch Pichay?
INAMAG muna sa tanggapan ng Ombudsman ang kasong graft at malversation ng mga Gatchalian at ni dating Cong. Butch Pichay bago naisampa sa Sandiganbayan kamakalawa.
Ang bagong halal na senador na si Sherwin, pati ang kanyang mga kapatid na sina Kenneth at Weslie, ama nilang si plastics king William Gatchalian at asawa nitong si Dee Hua ay kapwa akusado ni dating Local Water Utilities Administration (LWUA) chief Pichay sa kasong graft at malversation.
Ayon sa imbestigasyong ng Ombudsman, nagsabwatan sila sa kuwestiyonableng pagbili ng LWUA sa bangkaroteng Express Savings Bank Inc., sa halagang P880 milyon noong 2009.
Ginawa ang bentahan kahit hindi pumayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of finance at Office of the President.
Ang mga Gatchalian ang mga opisyal at may-ari ng Wellex Group Inc., at Forum Pacific Inc., may-ari rin ng nasabing bangko.
Ikinatuwiran ni Sherwin na kakarampot lang ang sapi niya sa kanilang kompanya kaya nais niyang ilusot ang kanyang sarili sa mga kaso.
Kahit ba isang sentimo lang ang sapi niya, ang punto rito’y kasama siya sa lumagda sa maanomalyang transaksyon bilang stockholder ng kompanya.
Hindi ba niya naisip na walang kinalaman sa local water utilities ang bangko?
Kung walang sentido-komon si Sherwin, aba’y magsasayang lang tayo ng kuwarta ng bayan na ipasusuweldo sa kanya bilang senador.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]