HINDI dapat sumama ang loob ng fans ni Nora Aunor kung sinasabi ngayon ng ibang mga kritiko na talbog siya ni Jaclyn Jose. Tandaan ninyo, mas malaki talaga iyang Cannes Film Festival kaysa alin man sa mga festival na nanalo si Nora.
Hindi rin naman tama iyong kanilang claims, na ”at least si Nora naman ang unang Filipino na nanalo ng isang international award.” Mali po iyan, dahil bata pa kami, noong 1967 to be exact, nanalo na po ng best actress sa prestihiyosong Asian Film Festival si Charito Solis para sa pelikulang Dahil sa Isang Bulaklak. Noong 1978, naging Asia’s Best Actress din naman si Charo Santos para sa pelikulang Itim. Iyan ay kinikilalang mga malalaking international awards noong araw, wala pa kasi iyang mga hotoy-hotoy na festivals noon.
Ngayon maraming international film festivals na tinatawag, pero ang mga iyon ay non-commercial at inilalabas lamang sa mga maliliit na sinehan at preview room, na ang tanging habol ng mga sumasali ay baka sakaling may makuha silang distributors, at lahat naman halos ng sumali ay may naiuuwing awards.
Ang isa pa, iyong pelikulang nagpanalo kay Charito, malaking hit iyon. Pinilahan iyon noong araw sa Galaxy Theater. Iyong pelikulang nagpanalo kay Charo, iyongItim na ginawa ni Mike de Leon, kumita rin naman at inilabas sa mga sinehan. May regular na playdate iyon.
Hindi kagaya ng mga nananalo ngayon sa mga international film festivals, ni hindi mailabas sa sinehan na regular ang playdates kasi hindi naman kumikita. Hindi sila tinatangkilik ng mga tao.
Maging ang baguhang si Barbie Forteza, nanalo ng best actress sa isang festival na mas prestigious kaysa ibang napanalunan na riyan. Nanalo siya sa Fantasportosa Portugal. Kaya nga lang hanggang ngayon din hindi pa naipalalabas sa mga sinehan ang pelikulang iyon ni Barbie.
Kaya huwag na tayong magpatutsadahan. Aminin natin na iyang mga award ngayon, sampu isang pera na. Sa local awards na nga lang eh, ilan bang award giving bodies iyan? Kaya nga hindi na halos napapansin iyang mga award eh.
( Ed de Leon )