NAGPAHAYAG ng kalungkutan si Jason Fernandez, dating lead vocalist ng bandang Rivermaya, sa nangyaring insidente sa isang music festival sa MOA noong May 21 na nagbunga ng pagkamatay ng limang tao. Drug overdose ang sinasabing dahilan ng pagkasawi ng mga naturang concert goers.
“Nalungkot talaga ako, nang nalaman ko pa na ang pill na yun, hindi nila alam kung ano talaga ang content. Kasi parang tatlong droga yata ang nasa isang pill.
“Ayaw kong manisi, hindi natin alam, I mean, may mga bagay kasi na kailangan malaman mo ang limitasyon mo kung hanggang saan ka lang talaga. I mean, puwede kang magsaya nang hindi ka naman nagda-drugs.”
Sinabi pa ni Jason na mas cool magbanda kung walag drugs. “Mukha lang kaming nagda-drugs pero hindi, high kami sa music,” nakangiting saad niya sabay tingin sa kanyang mga tattoo.
“Maraming nagbabanda, lalo na yung nagsisimula, hindi nila alam ang totoong mundo mayroon sa pagbabanda. Feeling nila ‘pag nagbanda sila, magiging cool guys, sex, drugs, and rock ‘n roll, pero pag nakilala mo iyong mga tao na nandoon na sa tuktok…
“Kung totoong musician ka or artist, dapat maha-high ka sa music mo. Hindi ka robot. I mean, tugtog ka lang at kung wala kang naramdaman… Di ba parang there’s something wrong, parang ganoon. So, ma-high ka na lang sa music. Iyon lang yun, huwag nang mag-drugs, sayang lang pera niyo!”
Nabanggit din ni Jason ang ukol sa rock musical nilang American Idiot. Sinabi niya kung paano niya nakuha ang lead role rito. “Pinagawa ako ng video tapos pinanood pa nila ako sa isang bar sa 12 Monkeys. Pumunta pa talaga sila para obserbahan ako how I perform sa stage.
“Ang sarap ng feeling na dinaanan mo yung ganoong proseso, tapos nandito na ako. Kasi feeling ko, as an artist gusto kong magkaroon ako ng silbi sa industriya natin. Gusto kong masabi na pagtanda ko, ‘Oy alam mo nag-theater ako. Naging Johnny ako sa isang rock musical dito sa atin.’ Para may silbi ka sa susunod na generations. Akala kasi nila na kapag rock and roll bara-bara lang. Siyempre may disiplina rin. Hindi lang sa sex, drugs, and rock and roll. We’re taking this very seriously.”
Mula sa direksiyon ni Robbie Guevara at hatid ng 9 Works Theatrical, ipi-feature sa Tony-winning rock opera na American Idiot ang music ng punk rock na band na Green Day. Magkakaroon ito ng shows mula June 24 to July 9, 2016. Ang tickets ay available sa Ticketworld (sa tel. 8919999) o mag-log on sa www.ticketworld.com.ph.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio