NANALONG best actress sa Cannes si Jaclyn Jose. Iyan ang pinag-uusapan ngayon sa buong showbusiness. Nanalo kasi siya sa kinikilalang premiere festival sa mundo. Dalawa lang naman iyang mga festival na kinikilala talaga sa buong mundo bilang pinakamalaki, iyong Cannes at Berlin.
Sa panalo ni Jaclyn siya talaga ang pinakamatindi. Natalo niya maski si Nora Aunor na nananalo lamang sa mga maliliit na festivals, pero ni hindi nabanggit nang sumali sa Cannes.
Kasabay niyan, nanalo rin pala bilang best actor si Jake Cuenca sa isang festival sa Brazil. Pero siyempre hindi na halos mabanggit iyan.
Pero ito ang punto namin, iyan bang pelikula ng mga artistang iyan na nagpanalo sa kanila ng mga award sa abroad ay kikita oras na ipalabas sa mga sinehan dito sa Pilipinas? Hindi ba iyon ding pelikula ni Brillante Mendoza na nanalo siyang ng best director, straight to video na lang at hindi nga yata nailabas sa regular screening dahil walang makuhang sinehan?
Napatunayan na nating magaling tayo. Nananalo tayo mula sa mga pinakamalalaking festivals hanggang sa mga hotoy-hotoy na festivals na sinasalihan ng ating mga pelikula manalo lamang ng awards. Ang asikasuhin naman natin ay iyong mga pelikulang kikita dahil hindi magpapatuloy ang industriya ng pelikula sa ating bansa kung hindi kikita ang mga pelikula. Kung iisipin mo, ano ang kuwenta niyang awards kung lugi naman ang namumuhunan sa mga pelikulang iyan?
Panay ang panalo ng award, pero nasa krisis ang industriya ng pelikula natin.
HATAWAN – Ed de Leon