Friday , December 27 2024

Payag po ba kayo Mayor Halili?

WALANG hindi galit sa ilegal na droga, wala rin hindi galit sa mga responsable sa pagtutulak ng droga at wala rin hindi galit sa mga gumagamit ng shabu, at mga katulad nito.

Batid naman natin na karamihan sa mga nangyayaring krimen at mga posibleng mangyaring karumal-dumal na krimen ay bunga ng ilegal na droga.

Marami na rin winasak na kinabukasan ang droga kaya kapag may nababalitaan tayong mga nakokompiskang kilo-kilong shabu at naarestong bigtime drug dealer/pusher ay masasabing nakatutuwa dahil maraming buhay na naman ang naisalba sa drogang nakompiska.

Marahil nabalitaan ninyo ang isinagawang shame campaign sa Tanauan, Batangas – ang pagpaparada sa mga naarestong tulak sa bayan kamakailan.

Oo nga’t nakatutuwa na nadakip ang mga tulak na responsable sa pagkakalat ng droga sa bayan ngunit, tama bang iparada sila na may nakasabit na karatula sa kanilang leeg na may nakasulat na “Ako’y  pusher, huwag tularan.”

Hindi ko alam kung matutuwa tayo sa ginawa ng alkalde – ang pagpaparada sa 11 pusher na nadakip dahil sa — paano naman ang karapatang pantao ng mga nadakip.

Oo nga’t naaresto ang 11 dahil sa pagkakasangkot sa droga pero hanggang hindi pa rin napapatunayan nagkasalaay mananatiling inosente pa rin ang mga nadakip.

Naiintindihan natin ang pakay ni Tanauan City Mayor Thony Halili sa ginawang pagpaparada sa mga naarestong pusher, ito ay upang hindi sila pamarisan.

Lamang, tama ba ang aksiyon na ginawa ng alkalde? Hindi ba isang pang-aabuso sa posisyon ang ginawa ng alkalde?

Ops nagtatanong lang po tayo kung isang pang-aabuso sa posisyon ang ginawa ng alkalde at hindi natin sinasabing inabuso niya ang kanyang pagka-alkalde.

Ipagpalagay natin na naglabas ng desisyon ang korte na guilty ang 11 suspek, sa palagay kaya ninyo, ipag-uutos din ng korte sa kanilang desisyon na iparada  sa publiko o lansangan  ang mga nahatulan at lagyan ng karatulang… “Napatunayan ako tulak, ‘wag tularan?”

Sa tingin natin, hindi gagawin ito ng korte o ng huwes, dahil batid nila ang karapatan ng isang napatunayang nagkasala.

Ano pa man, saludo tayo kay Mayor Halili sa kagustuhan niyang masugpo ang droga sa kanyang bayan o sa bansa pero… sa palagay kaya ninyo masugpo ang droga sa Tanauan sa pamamagitan ng pagpaparada?

Anyway mayor, ituloy ninyo ang kampanya ninyo laban sa droga – pero hindi namin sinasabi ang pagpaparada sa mga naaresto ha.

Pero heto lang naman ang nais naming itanong sa inyo Mayor Halili. Kung sakali lang ito ha. Kung sakali lang ito Mayor Halili, ‘ika nga halimbawa lang.

Paano kaya kung may magsampa ng kaso laban sa inyo sa Ombudsman ng pagnanakaw sa kaban ng bayan ng Tanauan, papayag po ba kayo Mayor na  iparada ka rin sa buong Tanauan na may nakasabit sa inyo na karatulang may nakasulat na “Isa akong magnanakaw na Mayor, ‘wag tularan?”

Papayag po ba kayo Mayor kahit na hindi pa napapatunayan ng Ombudsman na nagkasala? Payag po ba kayo Mayor Halili?

Inuulit ko ha, kung sakali lang mga kababayan ha. Halimbawa lang.

Paglilinaw lang po, sa ngayon ay wala naman kasong kinahaharap si Mayor Halili sa Ombudsman at naniniwala rin tayong hindi mangyayari ito sa alkalde dahil matinong alkalde si Halili.

Uli Mayor, saludo ako sa kampanya ninyo laban sa droga, nawa’y maubos ang mga tulak sa bayan ninyo maging ang mga pulis na nakikinabang sa mga tulak.

Paglilinaw pa, hindi namin ipinagtatanggol ang mga naarestong tulak sa Tanauan… lamang hayaan na lang natin magtrabaho ang Commission on Human Rights (CHR).

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *