BAGAMAT mas nakilala bilang magaling na dancer at actor, hindi kami nagtaka nang ilunsad kamakailan ni Rayver Cruz ang kanyang album na ipinrodyus ng mga kaibigang Sam Milby at Gerald Anderson. Galing kasi sa pamilyang Cruz si Rayver na puro magagaling kumanta, ang 747 Band, Donna Cruz, Geneva Cruz, Tirso Cruz III, at iba pa kaya natural na marunong siyang kumanta at maganda ang boses ng actor.
“Actually nagsimula ito noong magkakasama kaming magkakaibigan over dinner. Si Dom, kaibigan ko, si Sam, of course si Kuya Erickson Raymundo, ng Cornerstone),” ani Rayver nang tanungin ito kung paano nagsimula ang idea na mag-record ng album.
“Kasi nga every time na lalabas kami tapos parang may parties, si Sam gusto niya ako laging pinakakanta. So naisip ko oo nga, bakit nga ba hindi,” dagdag pa nito na ipinagmalaki ni Sam sa mga kasamahan sa ASAP 20 at ipinarinig at pinahulahaan kung sino ang kumakanta.
Hindi itinanggi ni Rayver na matagal na niyang gustong magkaroon ng album, hindi nga lang napagtutuunan ng pansin dahil mas mahal niya ang pagsasayaw. “It’s just that mas na-expose ako sa pagsasayaw, simula nang makarinig ako ng beats ng music, alam ko, dancer ako talaga. Pero alam ko naman na nakakakanta ako, kasi rati, noong bata ako, ‘pag may mga 747 shows, minsan, ilalabas kami, kaya alam ko na deep inside, kaya ko.
“Mas nauna lang ang pagsasayaw,” sambit pa ni Rayver.
Sa album launching ng What You Want album ni Rayver sa Urban Bar, naroon din ang mga kaibigan niyang very proud sa kanyang album.
Ani Gerald, mag-iiba na siya ng career na first niyang nag-produce samantalang si Sam naman ay ilang beses nang nakapag-produce
“Masaya ako na siya ‘yung first, si Rayverdahil mukha namang good investment, well, nakita n’yo naman, napakagaling niya talaga,” ani Gerald.
“Sobrang happy ako para kay Ray sa kanyang album launch,” sambit naman ni Sam.
Sinabi ni Rayver na sina Justine Timberlake at Chris Brown ang kanyang musical influences at sa local naman ay si Gary Valenciano kaya nga isinama niya ang Hataw Na bilang isa sa mga kantang nakapaloob sa album.
“’Yon talaga nag isa sa choices namin, kasi ever since sino lang ba ang idol namin pagdating sa ganito kundi si sir Gary lang,” paliwanag ng binata. “At saka gusto ko kahit isang song niya lang makasama. Tingin ko rin ‘Hataw’ ang pinakabagay for song and dance.”
Ikinuwento pa ni Rayver kung paano niya ipinaalam kay Gary ang tungkol sa Hataw Na. “Nasa dressing room noon si Gary V. sa ASAP sinabi ko na kung puwedeng i-remake ang kanta niya. Tapos he asked me kung anong kanta. Sabi ko ‘Hataw Na’, agad-agad na pumayag siya at ni hindi nagdalawang-isip.”
Nakapaloob ang walong tracks sa What You Want album ni Rayver kasama ang Kasayaw ni Archie D. ang dalawang awiting nag-collaborate sila ni R&B Prince Jay-R, Bitaw na carrier single, Let it Loose na collaboration kay Kyla, Hataw Na, at ang dalawang kanta na ini-record pa ni Rayver sa Singapore via the Academy of Rock Music School and Studios, ang Only Cuz I Care at Dance the Night Away.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio