Performance audit sa DoJ prosecutors
Percy Lapid
May 25, 2016
Opinion
PAGSUPIL sa korupsiyon ang prayoridad ni incoming Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Ang unsolicited advice natin kay Aguirre, unahing linisin ang sariling bakuran, lalo na ang hanay ng mga prosecutor o fiscal.
Kaya nga ‘fix-cal’ kung tawagin ang piskal dahil maraming kaso ang hindi na nakararating sa hukuman dahil kalimita’y inaareglo sa level pa lang ng fiscal.
Para malaman ni Aguirre kung sino ang mga tiwali ay puwede naman siyang magsagawa ng performance audit.
Kailangan ipaimbentaryo rin ni Aguirre lahat ng isinailalim sa automatic review sa ‘tanggapan’ noon ni dating Justice Secretary Leila de Lima, pati na ang mga naisampa at naibasurang kaso sa piskalya na may kinalaman sa illegal drugs.
Matatandaan na base sa inilabas na Department Circular No. 12 ni De Lima noong Pebrero 2012 ay nagkaroon ng kapangyarihan ang kanyang ‘tanggapan’ na i-review ang lahat ng resolution sa illegal drug cases.
Kapansin-pansin kasi na tila sa panahon ng “Daang Matuwid” ay naging mas laganap ang illegal drugs, maging ang New Bilibid Prisons (NBP) na nasa ilalim ng DOJ ay naging malaking pabrika na ng shabu.
Mayor, general target sa kampanya ni duterte laban sa illegal drugs
“HUWAG kayong magkakamali d’yan, kung naaawa kayo sa sarili n’yo. P*****. Mamamatay kayo d’yan!”
Ito ang babala ni incoming President Rodrigo Duterte sa mga lokal na opisyal at pulis na sangkot sa illegal na droga.
Walang sasantohin si Pres. Rody sa kampanya kontra-illegal drugs, kesehodang mayor o heneral pa, kapag sabit sa illegal drugs ay kasama sa wawalisin.
At siguradong uunahin ni Pres. Rody ang Maynila bilang kabisera ng Filipinas at magiging pangalawang tahanan niya kapag opisyal nang naluklok sa Malacañang.
Hawak na ni Pres. Rody ang listahan ng mga opisyal ng gobyerno na padrino ng illegal drugs syndicate.
Ngayon pa lang ay nanginginig na sa takot ang mag-among mayor at general sa isa sa mga siyudad sa Metro Manila.
Nasapol daw kasi ang paparetirong general sa pahayag ni Duterte na dapat nang umalis agad sa serbisyo dahil marami nang naipon sa pagiging protektor ng sindikato ng droga.
Nininerbiyos na rin daw si yorme na amo ni general dahil balita’y mauukilkil ang pagkatengga sa piskalya nang halos dalawang taon ang illegal drugs case laban sa 14 na pulis na nahulihan ng limang kilong shabu sa kanilang opisina.
Kaya kung ano-ano na ang naiisip na paraan ng damuhong alkalde para siya mapalapit kay Pres. Rody, sa pag-aakalang mauuto niya ang susunod na pangulo ng bansa.
Nangangamba raw si yorme na sumingaw ang pangalan ng kanyang anak na nasa likod nang mayabong na illegal drugs industry sa lungsod.
“Forward ever, backward never” ba ‘ika n’yo? Hindi n’yo maloloko si Pres. Rody!
Lagot kayo sa tatlong alas niya na sina Chief Supt. Ronald dela Rosa, incoming PNP chief, Sr. Supt. Vicente Danao Jr., anti- illegal drugs czar at incoming AFP Chief of Staff Lt. Gen. Ricardo Visaya.
Abangan na lang natin kung sino ang mayor at police general sa Metro Manila ang tinutukoy ni Pres. Rody.
Singer Imelda Papin umalma sa pandaraya
KAILANGAN paimbestigahan na agad ni Chairman Andres Bautista ang hinihinalang sindikato sa Comelec na kontak ng mga mandaraya sa katatapos na halalan.
Tila iisa kasi ang ginawang modus operandi para dayain sina Singer Imelda Papin bilang congressional candidate sa Camarines Sur 4th District, Manila mayoralty bet Alfredo Lim at San Juan City mayoralty bet Francis Zamora.
Pinalabas ng sindikato na mahigpit ang labanan kaya’t nagkapare-parehong maliit lang ang lamang ng mga nagwaging kandidato na nang unang bahagi ng bilangan ay tinambakan ng kalaban.
Bago ang halalan ay talamak ang vote-buying at iba pang paglabag sa election laws na hindi inaksiyonan ng Comelec.
Ang nakapagtataka pa’y pare-parehong mula sa political dynasty ang inaakusahang mandaraya gaya ng magsing-irog na sina Erap Estrada sa Maynila at Guia Gomez sa San Juan, at Arnulfo Fuentebella sa Camarines Sur.
Noong 2013 ay naakusahan na rin ang mga Fuentebella ng pandaraya sa actor na si Aga Muhlach, habang si Erap at kanyang mga kapamilya nama’y dati nang eksperto sa pagsalaula sa batas.
FM maililibing na
PAYAG naman ang ilan na mailibing na sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Paniwala ng iba, matitigil na ang mga umano’y sumpa na nagdudulot ng sari-saring kamalasan sa bansa.
Pero ang gusto nila ay “William Saunders” ang ilagay na pangalan niya sa lapida dahil ito raw ang ginamit ng dating president nang magbukas ng kanyang unang Swiss account na nanganak ng 12 at umabot sa $700-M na ipinaglalaban sa korte ng kanyang pamilya na kanilang pagmamay-ari.
Wala ngang ninakaw ang mga Marcos.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]