NAGPATAWAG kahapon ng press conference si Imelda Papin para ihayag na nag-file siya ng election protest laban sa kanyang katunggaling si Arnulfo Fuentabella bilang representative ng 4th district ng Camarines Sur.
Sa petisyon ni Papin, hinihiling niya sa House of Representatives Electoral Tribunal na mapawalang bisa ang proklamasyon ni Fuentabella bilang Camarines Sur 4th District representative at utusan ang Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng manual count sa nangyaring eleksiyon.
Sinabi pa ni Papin na mayroon na siyang lamang na 1,300 votes laban kay Fuentabella bago pa ang May 10 o ang araw bago matapos ang eleksiyon.
Subalit noong May 11, nagkaroon ng problema ang consolidation at canvassing system (CCS). At nang ipagpatuloy ang pagbibilang ng boto, nadiskubre ng election officers na ang mga SD cards ng ilang vote-counting machines ay blangko.
Kaya naman noong umaga ng May 12, nalamangan na ni Fuentabella si Papin ng 740 votes kaya ito ang naiproklamang representative-elect kinagabihan.
Iginiit pa ni Papin na itinuloy pa rin ng Comelec ang pagpoproklama kahit may 24,611 votes ang umano’y hindi pa nabibilang.
“Buong-buo ang aking loob na ipagpatuloy ang paghahain ng kaso sa House of Representatives Electoral Tribunal. Itinuturing ko pong isang krusada ang gawaing ito at sa tulong at gabay ng Poong Maykapal at sa panalangin at suporta ng lahat, malalampasan natin ang mga pagsubok na magbibigay daan tungo sa pagbabago at progreso,” giit pa ni Papin.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio