Kahit talo, Comelec iprinoklama si Erap
Percy Lapid
May 20, 2016
Opinion
IPRINOKLAMA ng Commission on Elections (Comelec) si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada kahit natalo sa halalan sa pagka-alkalde ng Maynila.
Ito ang dahilan kaya naghain si Manila Mayor Alfredo Lim ng 16-pahinang petisyon sa Comelec para ipawalang bisa ang proklamasyon kay Erap dahil illegal na isinagawa ang pagbibilang ng mga boto na labag sa Republic Act 9639 at Resolutions 10050 & 10083.
Maliban dito’y ipinadidiskuwalipika rin ni Lim si Erap bunsod nang mga pinaggagawa nitong malawakang vote-buying at illegal disbursement ng public funds bago ang May 9 elections upang lumaki ang tsansang makatanggap ng maraming boto.
Kabilang sa mga insidente ang sinasabing pamimigay ni Estrada ng 7,532 tablets para magamit ng teaching and non-teaching personnel ng Maynila na naganap sa San Andres Sports Complex.
Gayondin ang pagbibigay ng food subsidy sa 150,000 senior citizens sa porma ng food items na nagkakahalaga ng P350 per bag, sa kabuuang halagang P52 milyon.
Kasama sa mga inireklamo ni Lim ang mga miyembro ng city board of canvassers (CBOC) ng Manila na sina city election officer Anthonette Aceret, City Prosecutor Edward Togonon at City Schools Superintendent Wilfredo Cabral.
Nanuhol at nasuhulan parehong parusahan
KUNG tutuusin ay dapat madagdagan ang reklamo laban kay Cabral dahil isa siya sa matataas na opisyal ng Department of Education (DepEd) na pumayag sa pamamahagi ni Erap ng computer tablets sa mga public school teacher sa Maynila.
Sa halip tumanggi sa panunuhol at pagbawalan ang mga guro na tumanggap, ibinu-yangyang pa sa publiko ang garapalang paglabag sa batas ng mga guro.
Baka hindi alam ni Cabral na may mga kasong kriminal at administratibo na puwedeng isampa sa kanila gaya nang paglabag sa Articles 210-212 ng Revised Penal Code, Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), at Presidential Decree 46 (Making it Punishable for Public Officials and Employees to Receive, and for Private Persons to Give, Gifts on Any Occasion, including Christmas).
May balita rin tayo na maging mga pulis ay ginamit ni Erap bilang kanyang private army, lalo na noong eleksiyon, katunayan ang pamimilit nila sa isang barangay official na sumama sa kanila noong bisperas ng eleksiyon.
Ang naturang barangay official ay markadong supporter ni Lim kaya nakaranas nang pandarahas ng mga pulis.
MPD dapat sampolan ni pres. rody duterte
DAPAT ay sampolan ni president-elect Rodrigo Duterte ang mga tiwaling teacher at opisyal ng DepEd sa Maynila sa kanyang pagpupurga sa gob-yerno.
Maging ang Manila Police District (MPD) na nagbubulag-bulagan sa tumataas na kriminalidad sa Maynila kaya tinagurian na ang siyudad bilang sentro ng kalakalan ng illegal drugs.
Ang Maynila ngayon ay naging bantog na sa pagkakaroon ng shabu laboratory, imbakan ng kilo-kilong shabu at kuta ng mga bigtime druglord.
Dapat din paimbestigahan ni Duterte kung bakit natulog sa piskalya sa Maynila ang kaso ng limang pulis mula sa Anti-Illegal Drugs Section ng MPD na nahulihan ng limang kilo ng shabu sa kanilang mga locker nang salakayin ang kanilang opisina ng SWAT.
Ang pagkabulok ng imahe ng MPD ay naganap habang pinamumunuan ito ni Chief Supt. Rolando Nana.
Resign or retire ang banta ni Duterte sa mga anay sa PNP.
Pero kung tayo ang tatanungin, mas mainam na sampahan sila ng kaso para mapagbayaran ang kanilang kawalanghiyaan.
Dayaan sa San Juan, Zamora umalma rin
HINDI rin pinalampas ni San Juan City Vice Mayor Francis Zamora ang pandaraya sa kanya ng kerida ni Erap na si Guia Gomez noong nakalipas na mayoralty polls.
Gaya nang nangyari sa Maynila ay laganap din ang dayaan sa San Juan.
Desperado na kasi ang angkan ni Erap na manatili sa poder lalo na’t alam nilang matatalo ang kanilang mga manok na presidentiables.
Paano nga naman lalaya si Sen. Jinggoy sa kulungan kung wala silang lahat sa kapangyarihan.
Kaya nang manalo si Pres. Rody ay isinugo ni Erap sa Davao City ang pamangkin na si ER Ejercito at anak na si JV pero ang balita nati’y hindi pinansin doon.
Kaya sunod-sunod na pag-epal ang ginawa ni Erap para masungkit ang atensiyon ni Pres. Rody na nauna na niyang sinabihan na pang-Davao lang at walang K na maging pre-sident.
Ngayon ay kandarapa na siyang magbigay ng mga walang kuwentang payo kay Pres. Rody.
Weather-weather lang talaga ang buhay.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]