Laban ito ng Maynila kontra sa pandaraya
Percy Lapid
May 13, 2016
Opinion
ANG laban ni Mayor Alfredo Lim kontra sa ginawang pandaraya sa kanya sa nakaraang eleksiyon ay dapat suportahan ng matitinong Manileño.
Dapat na ipaglaban ang katotohanan at hindi kailangan tanggapin at basta hayaang pairalin ang kamalian.
Samahan natin si Lim sa pagsusumikap na igiit ang tunay na boses ng Manileño sa katatapos na eleksiyon.
Kung hindi kikilos si Lim at ang mga Manileño para labanan ang pananaig ng kasamaan sa lungsod, wala nang magandang kinabukasang mararanasan ang susunod na henerasyon sa kamay ng dayuhan at abusadong lider.
Pormal nang maghahain ng petisyon ngayong hapon ang kampo ni Lim sa Comelec para ipawalang bisa ang proklamasyon kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada bilang nagwaging alkalde.
Ang petisyon ay base sa mga nakalap na ebidensiyang magpapatunay na hindi kapani-paniwala ang pagbibilang sa mga boto ni Lim.
Kinuwestiyon din ng supporters ni Lim ang kredibilidad ng mga miyembro ng board of canvassers at ilang insidenteng naganap sa Rizal Coliseum kung saan ginanap ang canvassing.
Kaduda-dura rin ang napakatagal na canvassing dahil sa pagkaantala ng pag-transmit sa mga election return (ERs) na nakalagay sa secure digital (SD) cards.
May ulat na mahigit 100 SD cards na huli nang nadala sa Rizal Memorial dahil nahirapan daw i-transmit sa Command Center.
Hindi ba’t batay sa general instruction, kapag tatlong beses na nabigong mai-transmit ang data mula sa SD cards ay dapat na itong dalhin sa Command Center?
Maraming puwedeng puntahang “side trip” ang SD cards, lalo’t nasa kustodiya ito ng mga tumanggap ng cash at computer tablet sa kampo ng mga mandrambong noong panahon ng kampanya.
Kailangang magpaliwanag ang mga miyembro ng board of canvassers sa Maynila kung bakit pikit-mata nilang tinanggap ang mga alibi sa kadu-dudang pagkaantala nang pagdadala ng SD cards sa Rizal memorial.
Ang tatlong members ng canvassing board ay sina Chair Atty. Antonette Aceret, vice chair Fiscal Edward Togonon, Dr. Wilfredo Cabral at ang operator na si Mario Razos, Jr.
Malaking palaisipan kung bakit minadali ang pagproklama kay Erap sa kabila ng mga kuwestiyonableng pagkawala umano ng signal gayong gumagana naman ang mga cellphone sa loob at labas ng Rizal Memorial.
Natatandaan pa natin nang unang isagawa ang automated election sa bansa noong 2010, nangyari na ang katulad na katarantaduhan ng highly anomalous at questionable proclamation” sa isang mayoralty candidate ng Pasay City habang lamang pa ng 100 boto ang kanyang kalaban.
Ang mahalaga ay dapat lumabas ang katotohanan sa likod ng mga nanganap na katarantaduhan sa Maynila – mula sa malawakan at garapalang vote buying at minadaling proklamasyon.
Ultimo ang natalong mayoralty candidate na si Rep. Amado Bagatsing ay kombinsido na may nangyaring iregularidad at nagpahayag na dapat itong paimbestigahan.
Ngayong hapon nakatakdang samahan ng ilang supporters para pormal na ihain ang protesta kaugnay sa naganap na malawakang pandaraya sa Maynila.
Piso kada boto
ISANG Facebook account ang binuksan ng mga supporter ni Lim upang mangalap ng pondo para sa ipinupursiging recount ng mga boto sa Maynila.
Alam naman natin na may bayad ang pagpapa-recount kaya nagkusa na si Mhalou Laderas, isang taga-suporta ni Lim mula sa Tondo, na pangunahan ang kampanyang “Piso kada Boto.”
Mismong si Laderas ay nasaksihan ang ilang alingasngas sa Rizal Memorial na pinabayaan at binale-wala lang maganap ng board of canvassers.
“Magpa-recount po tayo, piso kada boto para sa lahat ng bumoto kay Mayor Lim, magsama-sama po tayo para sa recount,” sabi ni Laderas sa naturang FB account.
Nagmumukhang kenkoy si Binay
MARAMI ang nagtataka kung ano ang pumipigil kay VP Jojo Binay para isuko na ang kanyang laban at bigyang daan ang panalo ni Mayor Rodrigo Duterte sa pagka-pangulo ng bansa.
Wala nang dahilan para magmatigas pa si Binay dahil kulelat naman siya mula pa noong umpisa ng bilangan.
Ano pa ba ang hinihintay ni Binay, gayong wala namang kinalaman ang kanyang nakuhang boto sa pagitan ng naglalabang sina LP bet Leni Robredo at Sen. Bongbong Marcos bilang susunod na Vice President?
Patapos na ang bilangan at kahit ibigay pa kay Binay lahat ng natitirang boto na bibilangin ay hindi na mababago ang katotohang si Duterte na ang susunod na pangulo ng bansa.
Lalo lang lalabas na katawa-tawa at magmumukhang Kenkoy si Binay kapag hinintay pa niyang ganap na matapos ang bilangan bago tanggapin ang masaklap na pagkatalo.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]