Lim: I Shall Return
Percy Lapid
May 9, 2016
Opinion
WALA nang makapipigil sa pagbabalik ni Alfredo Lim bilang alkalde ng Maynila.
Ito ang tiniyak ng mga Manileño sa bawat sulok ng lungsod sa mga isinagawang miting de avance ni Lim sa anim na distrito ng siyudad.
Laging mainit ang pagsalubong ng mga tao tuwing makadadaupang-palad si Lim, maging sa motorcade, o house to house campaign.
Bukod kasi sa tinamasang “from womb to tomb” na libreng serbisyo sa administrasyon ni Lim ay naranasan din nila ang pagtulong niya sa mga may edad at may kapansanan kahit wala siya sa puwesto.
Naging bahagi na ng adbokasiya ni Lim ang pagkalinga sa kapwa at hindi ginagawa kapag nasa puwesto lang sa gobyerno.
Kaya nga ipinangako ni Lim na pag-upo niyang muli bilang alkalde ay ipawawalang bisa niya ang mga ordinansang ipinasa ng administrasyong Estrada na nagtakda ng bayad sa mga public hospitals ng siyudad at iba pang mga dagdag na bayarin sa Maynila sa hangarin na makapangalap daw ng pondo.
Ibabalik niya ang tunay na serbisyo-publiko at ibabasura ang umiiral ngayon na mistulang nagpapatakbo ng sarili niyang negosyo ang ginagawang pamamahala ni Erap sa Maynila.
Kakanselahin din niya ang mga kasunduan at kontrata sa walang patumanggang pagbebenta sa mga ari-arian ng Maynila sa pinaniniwalaang mga kompanya ni Erap, nariyan ang Grand Boulevard Hotel, Lacson underpass, Manila Zoo, PNB Bldg., sa Escolta, Army-Navy Club at mga public market sa lungsod.
Ibabasura rin niya ang kontrata ng administrasyong Estrada sa mga ‘kompanya’ na nangongolekta sa vendors pero hindi ipinapasok sa kaban ng lungsod.
Ibig sabihin, bilang na ang maliligayang araw ng Sto. Niño de Tondo Management and Consultancy Corporation at AL2FEREX ORGANIZERS, CO. na may tanggapan sa No. 50 Vista Verde Avenue Extension, Vista Verde Executive Village, Cainta, Rizal.
Tiyak na luluwag na ang trapiko sa Maynila dahil lahat ng illegal terminal ay bubuwagin ni Lim.
Wala na rin mamimilit sa mga pampasaherong bus na gumamit ng terminal at puwede na silang muling malayang makapagbiyahe upang makapagsilbi sa commuters.
Maging ang ibinabayad na buwis at bayarin ng mga Manileño ay ibabalik sa halaga bago nilisan ni Lim ang City Hall noong 2013.
Ibig sabihin, ang ipinataw na 300% umento ng administrasyong Estrada ay mababalewala na.
Ibabalik din sa dating singil ang multang ipinapataw sa mga lumalabag sa batas trapiko at ipagbabawal na ang paghila sa mga sasakyan ng pribadong towing company.
Ang pangongolekta sa basura ay magiging tatlong beses isang araw muli.
Ilan lang iyan sa mga patakaran ng administrasyong Lim na muling matatamasa ng mga Manileño sa pinananabikang pagbabalik ng tunay na anak ng Maynila sa City Hall.
Ipakita natin sa dayuhang nagmula sa San Juan City na hindi na siya makauulit sa panloloko kahit iendoso pa siya ng mga kapwa niya tiwaling politiko na wala namang malasakit sa ating lungsod.
Tiyakin natin na ang pagbasura natin sa sentensiyadong mandarambong ay kasabay nang hindi natin paghalal sa mga kaalyado niyang politiko.
Huwag na tayong palilinlang sa ingay ng mga politiko at kanilang grupo na ginagamit lang ang mga Manileño sa kunwaring paglaban daw sa korupsiyon pero nang inareglo na ng sentensiyadong mandarambong ay hindi nagdalawang isip na iendoso para maipagpatuloy ang pagnanakaw sa Maynila.
Bistado na ng mga Manileño kung sino-sino ang mga lima singkong ‘makabayad’ na nagmamaskarang makabayan.
Ibalik ang dignidad ng Maynila at dangal ng Manileño!
Bumoto ayon sa konsensiya
KUNG pipili lang tayo ng kandidato ayon sa ating konsensiya ay hindi tayo magkakamali sa pagboto.
Ang konsensiya at hindi ang ating bulsa ang dapat manaig sa pagboto ng mamumuno sa atin sa susunod na tatlo hanggang anim na taon.
Noon pang isang taon ay paulit-ulit ang tagubilin ng Simbahan sa mga botante na tuldukan ang political dynasties at ibasura ang mga talamak na corrupt.
Ibig sabihin, ‘wag iboto ang mga kandidatong mula sa political dynasties at sangkot sa mga kaso ng katiwalian.
Kailangan din, tapat sa pamilya ang kandidato dahil tiyak na magsisinungaling din siya sa pagganap sa kanyang tungkulin.
Kapag hindi nanalo ang mga walanghiyang kandidato, nangangahulugan na mas nanaig ang kabutihan kaysa kasamaan.
Huwag tayong matakot na piliin ang matino at karapat-dapat na serbisyo-publiko, obligasyon natin ito bilang mamamayang Filipino.
Election Coverage sa 8TRI-TV at DZRJ
ALAMIN ang mga pangyayari at kaganapan sa special coverage ng 8TriMedia Broadcasting Network para sa Presidential Elections 2016.
Ang tuloy-tuloy na pagtutok sa gaganaping eleksiyon ay mapapanood sa 8Tri TV-Ang Radyo sa Telebisyon sa Cablelink Channel 7 at sabayang mapapakinggan sa DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz.).
Anomang sumbong, puna at reaksiyon ay maaring itawag sa Landline Nos. 412-0288 at sa Textline Nos. 0917-678-8910.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]