GINIBA ni dating WBC at IBF welterweight champion Andre Berto si dating WBC champion Victor Ortiz sa Round Four sa pagbubunyi ng boxing fans na sumaksi sa StubHub Center sa Carson, California.
Ang bakbakan ng dalawa ay ang rematch ng kanilang laban noong 2011 na tinanghal na Fight of the Year.
Sa panimula pa lang ng laban sa Round One ay naging mainit na ang bakbakan ng dalawang warrior pero nagkaroon ng untugan ng mga ulo ang magkatunggali para magkaroon ng cut sa hairline si Ortiz.
Naging mabagsik si Ortiz sa 2nd Round at inabot niya ng straight left sa mukha si Berto para ilista ang unang knockdown ng laban.
Ayon kay Berto pagkatapos ng laban ay hindi siya gaanong nasaktan sa nasabing knockdown.
“I wasn’t hurt by the first knockdown,” pahayag ni Berto. “I was more mad at myself for getting caught. I fell asleep for two seconds, my feet were tangled, I fell on my butt. I wasn’t hurt, it was like, damn.”
Sa Round Three ay agresibo si Berto at simulang magpakita ng dominasyon sa laban.
Isang kanang uppercut sa Round Four ang hindi nakita ni Ortiz na nagpabagsak sa kanya. Bagama’t nakatayo siya ay halatang groge ito at sa pagpapatuloy ng laban ay hindi na siya tinantanan ng mga matitinding suntok ni Berto para bumagsak muli.
Itinigil ni referee Jack Reiss ang laban sa nasabing round nang wala nang maipakitang depensa si Ortiz.
“I didn’t see it coming,” sabi ni Ortiz. “The guy doesn’t hit soft. I’ll be back. I haven’t had the perfect career, but I guarantee all the fans here enjoyed my fight.”