Isalba ang Maynila sa kamay ng ex-con: Ibalik si Mayor Lim!
Percy Lapid
April 25, 2016
Opinion
NGAYON ang tamang pagkakataon upang ituwid ang isang malaking pagkakamali na nailuklok sa Manila City Hall ang isang pinatalsik na pangulo at sentensiyadong mandarambong.
Ito’y sa pamamagitan nang pagsuporta muli kay Alfredo S. Lim bilang alkalde sa eleksiyon sa Mayo 9, ayon kay Barangay Chairman Noli Mendoza ng Barangay 667, Zone 72, Ermita, Manila.
Sa pagsisimula ng liga ng basketball sa Plaza Ferguson kamakailan, nanawagan si Ka Noli sa mga kabataan at residente ng Ermita na suportahan ang kandidatura ni Lim.
Ang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng isa pang pagkakamali, kaya huwag na muling tangkilikin ang isang ex-convict na bisyo ang nakawin ang pera at ari-arian ng taong bayan.
Kapag hindi pa natauhan ang mga botante sa bangungot na idinulot nang pagboto kay Erap noong 2013, magigising na lang sila isang araw na naibenta na lahat ang properties ng Manileño at ang buong pondo ng lungsod ay winawaldas na ng nasa Office of the Mayor.
Pahirap wakasan na!
LALONG naghirap ang mga maralitang taga-Maynila, wala na ngang trabaho ay hindi pa makapag-pagamot nang libre kapag nagkasakit.
Hindi pa man kasi nag-iinit ang puwet ni Erap sa Manila City Hall ay inalis na niya ang libreng serbisyong medikal.
Pinagbayad ang mga pasyente sa anim na ospital na pinamamahalaan ng lokal na pamahalaan at tinapyasan pa ang budget.
Garapal pa kung manloko, kesyo kaya raw wala siyang naipatupad na proyekto mula noong 2013 ay dahil inuna raw muna niya ang pagbabayad sa mga pagkakautang ng siyudad.
Kaya hindi siya makaharap sa mga debate ng mga kandidato sa Maynila dahil marami siyang hindi maipapaliwanag sa mga alingasngas sa City Hall, lalo na pagdating sa pondo.
Ang katototohanan, inagaw ni Erap ang pondo na noon ay inilaan ni Mayor Alfredo Lim sa anim na ospital, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Unibersidad de Manila (UDM).
Inilagay ni Erap ang pondo sa kanyang opisina bilang Intelligence and Confidential Expenses na nakapaloob sa pinalobong budget ng Office of the Mayor.
Bago dumapo sa Maynila noong 2013 ay P14-M lang ang intelligence fund ng Office of the Mayor sa ilalim ng administrasyong Lim.
Ginawang P139-M ni Erap nong 2014 ang intelligence fund, P200-M noong 2015, habang ang confidential funds ay P150, 216,892.
Ibig sabihin, ang itinaas na bayad sa amilyar mula 2014, ang ibinayad ng mga pasyente sa anim na ospital, ang ibinawas na budget sa limang ospital na P228.1-M at ang tinapyas sa budget ng PLM at UDM na P93-M ay napunta lang sa halos kalahating bilyong pisong inilaan ni Erap sa kanyang confidential at intelligence funds.
May mga naghihinala na ang sinandok niyang pondo ng Maynila ay ginamit na capital ng sentensiyadong mandarambong sa itinayo niyang mga dummy corporation na nakabili ng mga public market sa Maynila, Army and Navy Club, Grand Boulevard Hotel, Army and Navy Club, Manila Zoo, Lacson Underpass at PNB Bdg.
May balita pa na isa-isang ibebenta ng ex-convict ang anim na pagamutan ng Maynila kaya ganoon na lang ang panunuhol niya sa mga botante, mga opisyal ng barangay at mga guro sa pag-asang maloloko niyang muli ang mga botante.
Kaya naman kapag nangangampanya si Mayor Lim ay naglalabasan ang mga tao at naghuhumiyaw na bumalik na siya sa City Hall.
Kapag si Erap ang nangangampanya ay pera naman ang naglalabasan mula sa kanyang kampo para bumili ng boto.
Bumaho ang Maynila krimen, droga lumala
NAGKATOTOO ang taguri ng manunulat na si Dan Brown na Gates of Hell ang Maynila sa loob lamang ng dalawang taong administrayong Estrada.
Bukod sa kaliwa’t kanang pangungulimbat ay lumala sa pinakamataas na 11,000 ang index crime sa lungsod mula noong 2013.
Namamaho pa ang siyudad dahil naging tatlong beses kada linggo na lang ang paghahakot ng basura mula sa apat na beses isang araw.
Sa termino ni Erap ay lumaganap ang bentahan ng shabu.
Katunayan, sa mismong opisina ng Anti-Illegal Drugs Section ng Manila Police District ay nakompiska ang limang kilo ng shabu na nasabat ng MPD-SWAT noong 2014.
Isang shabu laboratory ang matatandaang sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Sta. Cruz na kinadakipan sa dati nilang opisyal na si Lt. Col. Ferdinand Marcelino.
Pito ang naaresto nang salakayin ng CIDG-NCR ang isang flower shop nitong February 2016 sa Binondo na shabu pala ang itinitinda at natuklasang nabigyan ng business permit mula sa City Hall.
Nasabat naman ng mga tauhan ng Quezon City Police District P15-million halaga ng shabu sa Harbour View restaurant sa Luneta noon din February 2016.
Ilang Chinese druglord na nakabase sa Binondo ang sunod-sunod na nadakip ng mga tauhan ng PNP National Capital Regional Police Office (NCRPO) na may dalang sako-sakong shabu sa boundary ng Quezon City.
Iyan ang realidad ngayon sa Maynila kaya ganoon na lang ang pananabik ng mga botante na ibasura si Erap sa darating na Mayo 9.
“Lapid Fire” sa DZRJ at Cablelink TV-Ch.7
LAGING subaybayan ang malaganap nating programang “Lapid Fire” na napapanood mula 8:00 am – 10:00 am sa 8Tri-TV ng Cablelink Channel 7 at sabayang napapakinggan 9:00 am – 10:00 am sa DZRJ-Radyo Bandido (810 Khz.), Lunes hanggang Biyernes, kasama sina Rose Novenario, Peter Talastas at Atong Ma.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]