Erap nambu-bully ng masang mahirap, at pumapatol sa maliit?
Percy Lapid
April 18, 2016
Opinion
ITINANGHAL na naman ni ousted president at convicted plunderer “Joseph “Erap” Estrada ang pagiging sanggano na nanghihiram ng tapang sa armadong bodyguard para takutin ang walang kalaban-labang ordinaryong mamamayan.
Naging viral sa social media ang larawan at mensahe ng isang taga-San Juan City na bagong biktima ng pambu-bully ni Erap, kamakailan.
Aniya, habang nagdidikit sila ng ng tarpaulin ng TEAM SAN JUAN ay huminto sa kanilang harapan si Erap, pinagmumura at dinuro sila, at pinagbintangang nagtanggal ng tarpaulin ng kanyang mga kapamilyang kandidato.
Ang TEAM SAN JUAN ay pinamumunuan ni mayoralty bet Francis Zamora na katunggali ng kerida ni Erap na si incumbent San Juan City Mayor Guia Gomez.
Akma pa raw na bubunot ng baril ang bodyguard ni Erap na pulis-Maynila habang tinatakot ang mga taga-TEAM SAN JUAN.
Nangangatog na sa nerbiyos si Erap sa nalalapit na pagbagsak ng kanilang political dynasty kaya lahat ng masamang paraan ay ginagawa para mangunyapit sa kapangyarihan.
Desperado na si Erap kaya siya na mismo ang nagha-harass sa mga supporter ni Zamora.
Maging ang keridang si Guia ay ipinamalas din ang kabastusan nang pagalitan at duruin ang isang school principal dahil inanyayahan si Cong. Ronnie Zamora para maging tagapagsalita sa graduation na kasama niya.
Berdugo ng Barangay Corazon de Jesus
SAKALING hindi alam o limot na ng mga Manileño, noong Enero 10, 2012 ay naganap ang pinakamdugong demolisyon sa Barangay Corazon de Jesus, San Juan City.
Mismong si Estrada ay nagpunta pa sa bayolenteng demolisyon sa maralitang komunidad para takutin ang mga residente.
“Hindi malilimutan ng mga maralita ang ipinakitang pagkaberdugo ng pamilya Ejercito sa mga demolisyong pinagunahan ni Congressman JV Ejercito at MayorGuia Gomez sa San Juan gaya ng naganap noong Enero 10,” sabi nga ng Samahan ng Maralitang Nagkakaisa-Corazon De Jesus (SAMANA), isang lokal na samahan ng Kadamay.
BFP sa Maynila inutil sa demolition via arson
MARKADO na ang pamilya Estrada sa mga insidente ng “demolition via arson” o ipasusunog ang lugar para mapalayas ang mga residente sa lugar na may interes ang angkan ng sentensiyadong mandarambong.
Noong Disyembre 25, 2012 ay naabo ang tahanan ng 2,500 pamilya sa Barangay St. Joseph dahil kahit katabi ng komunidad ang San Juan Fire Station na maraming volunteers mula sa San Juan at marami rin nag-rescue mula sa Makati City, Taguig City, Quezon City, Sta. Mesa at Tondo ay hindi naapula ang apoy.
Kaduda-duda ang pagkasunog ng komunidad sa Parola Compound sa Tondo, Maynila noong nakaraang taon na hinhinalang may kaugnayan sa pagpapalawak ng arastre ng isang dambuhalang negosyanteng kaalyado ni Erap.
Maging ang sunog sa PNB Bldg noong 2015 ay naging daan para ibenta ng administrasyong Estrada at pinagdududahang may layuning i-undervalue o pababain ang halaga nang bentahan dahil nasunog.
Hindi natin maunawaan kung anong bertud mayroon ang mga Estrada sa Bureau of Fire Protection para magbulag-bulagan sa mga ‘sunog’ sa San Juan City at Maynila na pinamumunuan ng pamilya ng sentensyadong mandarambong.
Kasong rape hindi dapat gawing biro
HINDI dapat maging kapantay lang ng isip ni Vice Ganda ang presidentiable na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte pagdating sa isyu ng rape.
Si Vice Ganda ay matatandaang pinutakte ng batikos matapos gawing katatawanan ang isyu ng rape at ginamit pang instrumento ang premyadong broadcast journalist na si Jessica Soho.
Viral naman ngayon sa social media ang video ng speech ni Duterte kamakailan na ginawang biro ang panggagahasa sa mga missionary, kasama ang isang Australian missionary sa Davao City noong 1989.
“Nirape nila lahat ng mga babae, so ‘yung unang asolte, kasi nag-retreat sila, naiwan ‘yung ginawa nilang cover, ang isa doon ‘yung lay minister na Australiana. Tsk, problema na ito. ‘Pag labas, e ‘di binalot. Tiningnan ko ‘yung mukha, ‘tangina parang artista sa America na maganda. Putangina, sayang ito. Ang nagpasok sa isip ko, ni-rape nila, pinagpilahan nila doon. Nagalit ako kasi ni-rape, oo isa rin ‘yun . Pero napakaganda, dapat ang mayor muna ang mauna. Sayang,” sabi ni Duterte.
Hindi mabuting asal na gawing biro at katatawanan ng sinoman ang anomang insidente ng rape dahil isa itong malupit na trahedya sa mga biktima.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]