San Juan inilipat sa Maynila trabaho inagaw sa Manileño
Percy Lapid
April 15, 2016
Opinion
HINDI lang pala alkalde ang dumayo sa Maynila.
Hinakot din ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang mga taga-San Juan City para magtrabaho sa Manila City Hall.
Kaya naman umalma ang Regular Employees Association of City Hall – Manila (REACH-M) sa anila’y “San Juanization” ng lungsod.
Sa halip kasi na bigyan ng trabaho ang mga Manileño gaya ng kanyang ipinangako noong 2013 elections, maraming mga residente ng San Juan City ang empleyado at opisyal na ngayon ng Manila City Hall.
Anang REACH-M, kabilang sa kanila sina dating San Juan Councilor Jojo Alcovendaz na itinalaga ni Erap bilang city administrator at ex-San Juan vice mayor Philip Cezar bilang hepe ng Manila Sports Council (Masco).
Kaya nanawagan ang REACH-M kay nagbabalik na Mayor Alfredo Lim na tulungan silang tuldukan ang illegal na hakbang na ipinatupad ni Erap.
Malaki nga naman ang epekto nito sa estado ng kanilang pagiging empleyado at mahihirapan silang ma-promote.
Kabilang sa mga hinakot mula sa San Juan ay naitalagang enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) pasusuweldohin bilang mga JO (job order).
Hindi pa ba matatawag ito na tahasang pagtarantado sa mga Manileño na inagawan na nga ng karapatan sa mga libreng serbisyo ng ospital ay inagawan pa ng karapatan na makapagtrabaho?
UDM gagamitin sa flying voters?
NAUNA na nating isiniwalat na marami na rin estudyante mula sa San Juan City ang nakapasok habang marami namang anak ng mahihirap na Manileño ang hindi nakapag-enroll at hindi tinanggap na makapasok noon sa Unibersidad de Manila (UDM) noong nakaraang taon.
Samantala, ang UDM ay sadyang ipinatayo ni Mayor Lim noong dekada ‘90 para sa mga anak ng mahihirap na Manileño na walang kakayahang tustusan ang pag-aaral sa kolehiyo.
Napabalita rin na isang burikak na barangay chairman na sipsip kay Erap ang kinasabwat upang magparehistro bilang botante sa kanyang barangay ang mga estrangherong estudyante sa UDM na nanggaling sa San Juan.
Bago raw kasi tanggapin sa UDM ang isang bagitong estudyante ay kailangang magparehistro muna sa Comelec para maging botante ng Maynila, kahit hindi residente ng lungsod.
Ang siste pa, may kontak daw sa Comelec at may basbas ng City Hall ang isang alibughang chairman sa Maynila para palabasin na mga residente ng kanyang barangay ang mga bagitong botante.
Nagsusumikap kasing makabuo ng 5,000 residente ang utak-kriminal na chairman para hindi mapabilang sa mga bubuwaging barangay ang kanyang lugar.
Aba’y kapag nagpaimbestiga nga naman DILG at Comelec, mabubuko na ang barangay niya ay pawang rebulto ng mga bayani at mga taong-kalye ang constituents.
Maliwanag ang nakasaad sa Section 386 ng Local Government Code na dapat ay mula 5,000 pataas ang populasyon ng isang lugar para makapagbuo ng isang barangay.
Paano na ang multi-milyong pisong raket sa illegal vendors, snatcher, illegal drugs at illegal terminal kapag nabuwag ang barangay na ‘yan?
Kaya naluma si “Malabanan” sa paghigop ni Chairman Burikak sa ‘tumbong’ ng sentensiyadaong mandarambong.
Pagkatalo ni Erap amoy na amoy na, nalalanghap pa!
HINDI na raw makatulog ang ousted president at convicted plunderer na si Joseph ‘Erap’ Estrada at ang kanyang sanga-sangang pamilya dahil amoy na amoy na ang pagbagsak ng kanilang political dynasty.
Matindi ang kanilang problema, bukod sa tiyak na pagkatalo ni Erap sa Maynila ay tagilid na rin ang keridang si Guia sa San Juan City dahil napakabango sa mga tao ni Vice Mayor Francis Zamora na tumatakbo ngayong alkalde.
Alam naman natin kung gaano katindi ang impluwensiya ng mga Zamora sa lahat ng sulok ng gobyerno at respetado rin sila ng mga taga-San Juan dahil ni minsan ay hindi sila nasangkot sa katiwalian.
Mahirap kalaban ang matinong tao sa gobyerno, alam iyan ng lahing mandarambong.
Kaya nagkukumahog na ang angkan ng mga mandarambong na simutin ang kaban ng Maynila at magpakalat ng illegal activities upang makapangalap ng kuwartang ipambibili ng boto.
Tulad ng kanilang ginawa noong 2013 elections, ang mga botante ng kanilang kalaban ay babayaran nila para hindi na bumoto at lalagyan na sila ng indelible ink.
Pero sabi nga, lahat ng kawalanghiyaan ay may hangganan, hindi lahat ng panahon ay maloloko nila ang mga tao.
Kaya’t alam ng Estrada political dynasty na ang kanilang wakas ay inaabangan na sa darating na Mayo 9.
Sa Hulyo 1 nama’y ang pagbaha ng mga kasong may kinalaman sa katiwalian ang sasagupain ng angkang ito.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]