MABUTI naman at walang nangyaring hindi magandang reaksiyon sa ginawang pagdalaw ni Robin Padilla sa mga magsasaka sa Kidapawan. Nauna sa kanyang pagdalaw doon, may nangako ng tulong sa mga magsasaka na pinalabas na politically motivated daw at insulto sa mga opisyal sa Kidapawan. Eh sa kaso naman ni Robin, ano ang sasabihin nilang politika eh hindi naman kandidato iyong tao, at wala rin namang ineendosong kandidato.
Sabi nga ni Robin, nagtungo siya roon at tumulong sa mga nagugutom na magsasaka dahil siya ay isang Filipino. Hindi rin masasabing ang perang ginamit niya para ipambili ng bigas na ipinamahagi niya sa mga nagugutom na mga magsasaka ay nagmula sa pork barrel, o sa conditional fund transfer. Mula iyon sa kanyang sariling bulsa. Mula iyon sa pinagpaguran niya. Pero ang mga ipinangako niyang karagdagan pang tulong para sa mga magsasaka ay inamin niyang magmumula sa kanyang mga kaibigan, na tiyak mula sa showbusiness.
Isipin ninyo iyan, si Robin at ang mga taga-showbusiness ay matagal na ring umaangal dahil sa krisis sa industriya ng pelikula rito sa ating bansa. Tumaas nga kasi ang cost of production ng mga pelikula dahil sa mataas na taxes, at EVAT na ipinapataw pa sa lahat ng raw materials. Kaya nagtipid na ang mga producer at ang ginagawa ay puro indie, na hindi naman magustuhan ng mga tao dahil tinipid nga ang pagkakagawa, mahal pa ang bayad sa sine. Wala ring magawa ang gobyerno laban sa piracy. Pero sa kabila ng problemang iyan, naiisipan nilang tumulong sa mga kawawang magsasakang nagreklamo na dahil sa gutom, sinalubong pa ng bala.
Kaya kung minsan, ano man ang sabihin ninyo sa mga taga-showbusiness, makikita naman ninyo na tumutulong sila pagdating sa mga ganyang kagipitan. Tingnan ninyo noong panahon ng Yolanda, may nakita ba kayong opisyal ng gobyerno na nakasalampak ng upo sa sahig at nagbabalot ng relief goods kagaya ng nakita nating ginawa ni Angel Locsin? Mayroon pa sa kanilang nagtungo roon sakay ng isang pribadong eroplano at nagbigay ng milyong pisong tulong kahit na noong panahong iyon ay wala siyang show kagaya ni Willie Revillame. Maraming tulong na ginagawa ang mga taga-showbusiness na hindi na nila ipinasusulat sa komiks.
HATAWAN – Ed de Leon