PANGAKO, pangako at pangako pa—iyan ang madalas na naririnig sa mga politiko at kandidato, lalo na dahil malapit na ang eleksiyon sa buwan ng Mayo.
Ito na ang normal na kalakaran sa pangangampanya at maging sa panunungkulan. Ngunit madalas na hindi natutupad ang sinasabing mga pangako kaya nga ang pabirong pahayag bilang katuwiran o palusot ay “nangako na, tutuparin pa ba?”
Ito ang binigyang pansin ni dating University of the Philippines (UP) Los Baños student council chairperson at Student Council Alliance of the Philippines national secretary general Ernest Francis Calayag na dapat umanong magkaroon ng plataporma para gawing accountable o responsable ang mga politiko sa kanilang mga binitiwang pangako.
“Lagi tayong nakalilimot. Inihahalal natin ang parehong mga tao sa pamahalaan na hinatulan sa katiwalian. Ipinagkakaloob natin ang kapangyarihan sa mga taong hindi makasagot sa mga alegasyong ibinabato sa kanila,” wika ng 26-anyos na technopreneur mula San Pedro, Laguna.
“Hinahanagaan natin ang parehong mga pangako, kahit na recycled ang ibinibigay sa atin ng dating mga kandidato o kapangalang kandidato. Sa paggamit ng aking application, magagawa nating tandaan ang mga pangako nila at kung epektibo nga sila sa pagtupad ng kanilang mandato at gayon din sa kanilang mga pangako,” aniya.
Sinimulan ni Calayag ang WikiPangako para dito noong 2013 pero opisyal na inilunsad kamakailan lamang. Isinilang ito sanhi ng personal na karanasan sa pagtanaw ng mga politikal na mga advertisement, partikular ang mga pangako ng mga kandidato.
Sa paggamit ng WikiPangako mobile application—na available sa web, at gayon din sa Apple App Store at Google Play—maaaring i-upload ng mga user ang pangakong binitawan ng isang politiko, at kung possible, ikabit dito ang larawan o video habang nangangako.
ni Tracy Cabrera