Pabahay sa mahihirap na Manileño isusunod ni Mayor Alfredo Lim
Percy Lapid
February 29, 2016
Opinion
KUNG hindi lang nagkamali ang mga nalinlang na botante na iboto si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada noong nakaraang 2013 elections, sana ay marami nang mahihirap na Manileño ngayon ang may maituturing na sarili nilang pamamahay.
Pero hindi pa naman huli ang lahat dahil mahigit dalawang buwan na lang ang kanilang titiisin para maituloy ni Manila Mayor Alfredo Lim ang proyektong “Pabahay sa Manileño” na naudlot bago siya bumaba sa puwesto noong 2013.
Sa panayam sa kanya sa isang malaking himpilan ng radyo nitong nakaraang Sabado, sinabi ni Mayor Lim na sakaling palarin siyang makabalik na alkalde sa May 2016 elections ay itutuloy ng kanyang administrasyon ang pabahay para sa mahihirap na Manileño.
Dapat maalala ng mga botanteng Manileño ang malaking kaibahan ni Mayor Lim kaysa mga politiko at kandidatong manloloko.
Dapat rin mag-isip ang mga botante kung bakit ang dating magkaalyadong sina Erap at Rep. Amado Bagatsing noong 2013 laban kay Mayor Lim ay magkalaban naman ngayon.
Kung sila ngang dalawa ay nagwalanghiyaan, gaano pa ang mga botante na hindi nila lokohin?
Isip-isip din po tayo ‘pag may time!
Condo sa Anakbayan low cost housing
BILANG pruweba ng makatotohanang pabahay ni Mayor Lim ang Anakbayan Condo na matatagpuan sa San Andres, Maynila.
Ang limang palapag na gusali ay condo type na pabahay na may mababang hulog para sa mga low-income earner o maliit lamang ang kinikita.
Buong pagmamalaking ibinida sa atin ni Konsehala Josie Siscar, tumatakbong congresswoman sa 5th District, ang 34-units na condo dahil ang kanyang constituents ang unang nabiyayaan ng proyektong pabahay na gusaling nakatirik sa 1,450 square meters na sukat ng lote.
Ayon kay Kon. Siscar, kahit libre sa panahon ni Mayor Lim ang mga serbisyo at gamot sa 6 na ospital sa Maynila ay ipinagpatayo pa sila ng 2-Health Centers sa distrito.
Tinukoy ni Kon. Siscar ang 2-Health Centers na ipinatayo ni Mayor Lim sa Bgy. 814, Zone 88 sa Valentina at Pedro Gil Sts. at sa Bgy. 738, Zone 18 sa San Andres.
Ang mga lugar kung saan marami ang walang kakayahang magkaroon ng sariling bahay ang sentro na ipagtatayo ni Mayor Lim ng low-cost housing sa lahat ng distrito ng Maynila.
Ipagpapalit ba natin ang ating mga boto sa pangako at perang ipamumudmod ng mga kandidato kaysa mga serbisyong sigurado?
‘Yan ang tatak ni Mayor Lim, “from womb-to-tomb” na libreng serbisyo!
Buhay na alamat ng libreng serbisyo
NAGKAKANDARAPA ang mga kandidato sa paglalako ng kanilang mga pangako sa mga botante para maluklok sa puwesto.
Pero kakaiba sa kanila si Mayor Alfredo S. Lim dahil siya ay maituturing na modelo o template ng mahusay at tapat na lokal na opisyal sa bansa.
Magbalik-tanaw tayo sa sitwasyon bago maluklok at napadpad at dumayo si Erap sa Maynila.
Noong Marso 2013 mismong si Pangulong Benigno Aquino III ay hayagan ang paghanga sa uri ng liderato at paninindigan ni Mayor Lim sa Maynila.
“Hindi po kailangang ayusin kung wala namang sira. Bakit papalitan kung magaling?” aniya nang iproklama si Lim bilang kanyang kandidato.
Sabi nga ng Pangulo siya na Punong Ehekutibo ng bansa ay nais pang magpaturo kay Mayor Lim kung paano nakapagpatayo at namantine na libre ang serbisyo sa anim na pampublikong ospital sa Maynila.
Saludo ang Pangulo sa libreng serbisyong pangkalusugan na tinatamasa ng mga Manilenyo sa ilalim ng administrasyon ni Lim, kahit naman lumibot tayo sa kasuluk-sulukang bahagi ng bansa, walang lokal na opisyal sa alin mang lalawigan, siyudad at munisipalidad nakagawa nito.
Maging si Vice President Jejomar Binay ay namangha rin nang mabatid na libre ang pag-aaral sa Unibersidad de Manila (City College of Manila) at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Sa University of Makati ay nagbabayad ng P1,000 kada semester ang estudyante, ngunit sa UDM at PLM ay ni isang kusing ay walang ginagasta ang magulang para ma-enrol ang kanyang anak.
Ang UDM ay naipatayo sa unang termino ng pagiging alkalde ni Mayor Lim noong dekada ‘90 at daan-daang libong tituladong Manilenyo ang naging produkto nito.
Kung sakit ng ulo ng sino mang mayor kung saan ilalagay ang mga inililikas na residente tuwing may kalamidad, hindi na iyan problema sa Maynila.
Sa kasaysayan ng Filipinas ay naitala na bukod-tanging si Mayor Lim lamang ang nagpatayo ng dalawang evacuation center sa kanyang nasasakupan, matatagpuan ito sa Delpan sa unang distrito at sa Baseco sa ika-limang distrito ng siyudad.
Hindi na rin problema ang kakulangan ng silid-aralan sa Maynila, mahigit isang dosenang bagong gusali sa iba’t ibang pampublikong paaralan ang ipinatayo ng administrasyon ni Ma-yor Lim, dagdag pa rito ang mga day care center sa mga barangay.
Wala nang problema sa edukasyon kahit ang pinakamahirap na residente ng Maynila, mula kindergarten hanggang kolehiyo ay libreng makapag-aaral ang estudyante.
Ang kabutihan sa pamamahala ni Mayor Lim, kailanman ay hindi niya ginamit ang abang kalagayan ng mahihirap para magpasasa sa kapangyarihan at gahasain ang kaban ng bayan.
Ni katiting na mantsa ng katiwalian ay hindi nadungisan ang 50 taong pagsisilbi sa bayan ni Mayor Lim mula ng maging pulis, director ng National Bureau of Investigation (NBI), senador at alkalde.
Kaya walang sawa ang pagtangkilik ng mga Manilenyo kay Mayor Lim ay dahil hindi siya nagpapanggap na maka-mahirap, tunay ang kanyang malasakit at pagmamahal sa mga maralita at hindi sa salita lang.
Lahat ng kanyang ginawa para sa mga Manilenyo ay tinanggal lahat ng sentensyadong mandarambong na dumayo sa lungsod para mu-ling magnakaw.
Kaliwa’t kanang panunuhol pa ang ginagawa ngayon ng sentensyadong mandarambong sa hangarin na maloko muli ang mga Manilenyo.
Tama na, sobra na, palitan na! Iyan ang sabay-sabay na isinisigaw ng mga Manilenyong atat na atat nang mapalayas si Erap.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]