Bakit maraming natatakot sa resbak ni Bongbong?
Ariel Dim Borlongan
February 28, 2016
Opinion
NITONG nakaraang linggo lamang, isa sa 35 dating empleyado ng National Computer Center (NCC) na nag-walkout sa National Tabulation Center noong 1986 snap election ang nagpahayag ng pangamba sa muling pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan sa oras na manalo si Sen. Bongbong Marcos bilang bise-presidente.
Naniniwala siya na posibleng resbakan sila ng anak ng napatalsik na diktador na si dating pangulong Ferdinand Marcos.
Hindi naman lingid sa kaalaman natin na naging talamak ang paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Batas Militar na idineklara ng ama ni Bongbong noong Setyembre 21, 1972.
Tatlumpong taon na ang nakalilipas ngunit nakatatak pa rin sa isipan ng mga sumailalim sa batas militar ang takot na baka maging isa sila sa mga biktima na pinarusahan, ipinakulong, pinatay o hindi na muling nakita ng kanilang mahal sa buhay.
Kung ganito ang sentimiyento ng naging mitsa sa pagbagsak ng rehimeng Marcos, hindi na rin nalalayo ang pangamba ng mga umusig at tumulong sa paghahabol sa mga nakaw na yaman at mga kasong isinampa laban sa pamilya ng diktador at mga crony nito.
Marahil, may pag-aalinlangan na rin sa isipan ng mga kasalukuyan at lumipas na opisyal at kawani ng mga ahensiya ng pamahalaan na nilikha matapos ang 1986 People Power tulad ng EDSA People Power Commission, Presidential Commission on Good Government, maging ang humawak ng kaso sa Sandiganbayan, Korte Suprema, Court of Appeals at mga korte na hindi pinaboran ang mga Marcos.
Sa kabalintunaan, kung si dating unang ginang Imelda Marcos ang naging pasimuno ng pagtatayo ng mga institusyon tulad ng Cultural Center of the Philippines, Philippine Film Institute, University of Life Theater and Recreation Area (ULTRA) at Light Rail Transit (LRT), mukhang ang anak naman niyang si Bongbong ang magiging promotor ng pagbuwag sa mga institusyon umusig sa kanilang pamilya.