Marcos era ‘di golden days para sa Pinoy (Giit ni PNoy)
Rose Novenario
February 26, 2016
News
HINDI golden days para sa Filipino ang Marcos era kundi golden days lamang para sa pamilya Marcos at kanyang crony, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III.
“Golden age nga po siguro noon para sa mga crony ni Ginoong Marcos, at sa mga dikit sa kanya. Marami nga po akong kuwentong narinig: Noong panahon ng diktador, ang mga negosyante, ayaw magpalaki ng negosyo. Baka raw po kasi mapansin at agawin pa sa kanila ng mga nasa puwesto,” ayon sa Pangulo sa kanyang talumpati sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power 1 Revolution kahapon.
“Napapailing na nga lang po ako, dahil may mga nagsasabi raw na ang panahon ni Ginoong Marcos ang golden age ng Filipinas. Siguro nga, golden days para sa kanya, na matapos masagad ang dalawang termino bilang Pangulo, na katumbas ng walong taon, gumawa pa siya ng paraan na kumapit sa kapangyarihan. Napaisip nga ako: Pareho naman kaming naging Pangulo—ano kaya ang naging kalagayan natin kung tumotoo lang siya sa kanyang mandato sa panahong naroon siya sa puwesto,” kuwento ni PNoy.
Aniya, ang rehimeng Marcos din ay golden age sa paglaki ng utang ng bansa nang magsimula si Ginoong Marcos sa katungkulan, taon 1965, nasa P2.4 bilyon ang utang ng pambansang gobyerno; sa pagtatapos ng 1985, dalawang buwan bago siya mapatalsik sa puwesto, nasa P192.2 bilyon na ang utang ng Filipinas.
Ang rehimeng Marcos din aniya ang dahilan nang paglawak at paglakas ng New People’s Army (NPA) na mula 60 tao ay naging 25,000 ang kasapian nang magtapos ang batas militar.
“Noon, golden age ng New People’s Army, dahil sa pagkadesmaya ng taumbayan ay sinasabing lumobo mula sa 60 tao tungo sa 25,000 ang hanay noong pagtapos ng Batas Militar. Umabot nga sa puntong ginagamit na ang Davao bilang urban laboratory ng NPA, bilang paghahanda sa paglusob nila sa iba’t ibang siyudad. Hanggang gayon, batid pa rin natin ang panggugulo nila sa mga pinakaliblib na pamayanan ng bansa,” paliwanag pa niya.