May mabuting track record tulad ni Mayor Alfredo Lim ang mga dapat nating iboto
Percy Lapid
February 10, 2016
Opinion
UMARANGKADA na kahapon ang pagsisimula ng opisyal na kampanya ng mga kandidato sa national position.
Maririndi na naman tayo sa gasgas na pangako ng mga kandidato na iaangat daw ang buhay ng mahihirap.
Malayong-malayo ito sa track record ni Mayor Alfredo Lim na sa tuwing sasabak sa eleksiyon ay walang ipinapangako pero kapag naluklok sa puwesto, lahat ay nakikinabang sa kanyang “from womb to tomb” program.
Ito lang naman ang maipagmamalaki ni Mayor Lim, siya ang bukod-tanging local government official sa bansa na nakapagpatayo ng anim na libreng pampublikong ospital, dalawang libreng kolehiyo, 485 daycare centers, 97 karagdagang bagong buildings para sa elementary at high school, 59 barangay health centers at 12 lying-in clinics o libreng paanakan.
Lahat nang iyan ay wala sa San Juan na mahigit apat na dekada sa poder ng pamilya ni ousted president at convicted plunderer Jospeh “Erap” Estrada.
Simple lang ang pamumuhay ni Lim kompara sa magarbong lifestyle ni Erap at kanyang mga pamilya.
Hindi nabahiran ng korupsiyon ang pamamahala ni Mayor Lim at ‘di siya naharap sa ano mang kasong may kinalaman sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, ‘di gaya ni Erap na pinatalsik sa Palasyo na nahatulan at nabilanggo sa kasong pandarambong sa salapi ng bayan.
Ang katwirang baluktot ni Erap, hindi pa raw kasi naiimbento ang pagsisisi sa una dahil ang pagsisisi ay laging nasa huli.
Kahit magsisi nga naman ang mga Manileño dahil naloko niya, ang mahalaga’y unlimited na naisagawa ang nakaw sa Maynila.
Pero hindi niya alam, sa Mayo 9, 2016 ay ipalalasap ng mga Manileño ang parusa at kung gaano kalupit silang magsisi sa tiwalang ninakaw sa kanila ng isang sentensiyadong mandarambong.
Survey bistadong peke
HINDI nga tayo nagkamali na ang mga survey ay negosyo at ginagamit para linlangin ang mga botante.
Sa pinakahuling inilabas na survey ng SWS at Pulse Asia, naging matingkad at matibay ang dahilan para hindi paniwalaan ang resulta ng mga survey.
Muntik na akong magkasakit ng iling nang mapasama ang pangalan ni Melchor “Mel” Chavez sa ika-18 puwesto.
Dinaig pa niya sina dating DILG Sec. Rafael Alunan, Jericho Petilla, Atty. Lorna Kapunan at ang batikang broadcaster na si Rey Langit.
Mahigit tatlong dekada ko nang kakilala si Chavez at kung tutuusin ay gusto ko siyang manalo dahil kahit paano, kami ay nagkasama sa isang himpilan ng radyo na aming pinanggalingan.
Makakayanan siguro ng powers ko na tanggaping pasok si Mel kahit sa Magic 5 kung alam kong mayroon siyang pondo at makinarya para maglunsad ng pambansang kampanya.
Kaya matagal na tayong kombinsido na kalokohan at panggogoyo lang ang mga survey at dapat nang ipagbawal.
‘Di nakuhang balanse ng campaign funds
UMAALINGAWNGAW ang kumukulong hidawaan ng dalawang dating magkaalyado sa politika na nasagap ng mga impormante natin sa Manila City Hall.
Suko na raw hanggang impiyerno ang kinikimkim na galit ng national candidate sa panloloko sa kanya ng itinuturing pa naman niyang patron sa politika bunsod ng sunod-sunod na panloloko nito at hindi pagtupad sa mga ipinangako.
Pumunta raw ang national candidate sa opisina ng kanyang patron noong nakaraang linggo para hingin ang balanse ng pondong gagamitin sa kampanya na pangakong ibibigay sa kanya.
Pagalit daw na sagot ng patron: “WALA AKONG PERA!”
Saan ngayon kukuha ng pondo ang national candidate matapos hindi tuparin ng damuhong patron niya ang pangakong pondo sa kanya para sa pambansang kampanya?
Kakasya ba ang koleksiyon mula sa mga hawak na illegal ng Bruhang Burikak sa Lawton para tustusan ang isang national campaign o babalik na lang siya sa pamumulot ng basura?
Dahil sa matinding hinagpis, ibinunton ng national candidate ang kanyang sama ng loob sa isang nakaparadang sasakyan na kanyang pinagsusuntok hanggang magkabasag-basag ang salamin at magkakuping-kuping ang katawan ng kotse.
Luhaan ang mata at duguan pa ang kamay na nilisan palayo ng national candidate ang Manila City Hall pagkatapos ng madramang pangyayari.
Kahit daw itanong n’yo pa kina Bambi Purisima, Ferdie Ramos at Diego Cagahastian!
Sabi nga ni Gat Jose Rizal, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan.”
Kaabang-abang at kapana-panabik ang napipintong pagkakawatak-watak at laglagan sa kampo ng mga politikong magkakaalyado na naluklok sa Maynila noong 2013 elections.
Saan at kanino naman kaya balak tumambling ng Bruhang Burikak na tinaguriang reyna ng mga illegal terminal sa Lawton sakaling maganap ang nalalapit na pagbagsak ng matandang dragon sa City Hall?
Alam na po ‘yun!
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]