US-PH joint patrol sa WPS posible — Goldberg
Rose Novenario
February 4, 2016
News
INIHAYAG ng US ang posibilidad nang paglulunsad ng joint patrol kasama ang Filipinas sa West Philippine Sea (WPS) ngunit ayaw munang ihayag ang mga detalye.
Sa forum kahapon sa Quezon City, inihayag ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg, hindi isasapubliko ng Washington kung magkakaroon at kailan magdaraos ng joint patrol sa WPS.
“I’m not going to prejudge what we’re going to do or when we are going to do it, whether we are going to do it with the Philippines or with others. But we do discuss that principle with the Philippines. I’m not discounting that possibility,” aniya kasabay nang pag-amin na walang limitasyon kung ano ang gagawin pa ng US.
Naniniwala aniya ang Amerika na may karapatan sila sa ilalim ng international law na malayang maglayag sa South China Sea, WPS at patuloy nila itong gagagawin.
“It is our view that we have every right under international law to exercise freedom of navigation on South China Sea, West Philippine Sea, and we will continue to do so,” dagdag ni Goldberg.
Nauna nang humirit ang Filipinas sa US ng joint patrol sa WPS.
Nang usisain si Goldberg kung gagamitin ng tropang Amerikano ang alinman sa Philippine military bases bilang lunsaran ng joint patrol sa WPD, inamin ng US Amabssador na tinatalakay pa ng Filipinas at US kung saang mga kampo ng militar sila hihimpil sa ating bansa.
“We don’t want to prejudge how we will carry out the defense relationship from that. But we have a very deep interest, both countries, in ensuring freedom of navigation throughout those waters,” aniya.
Nilinaw ni Goldberg na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay hindi binalangkas upang tugunan ang mga isyu sa WPS.
Dahil aniya sa desisyon ng Korte Suprema na naaayon sa Saligang Batas ang EDCA ay inaasahan niyang magdaragdag ng suportang pinansiyal ang US sa Filipinas para sa “military construction efforts and maritime security initiative.”
Sa kasalukuyan ay naglaan ang US ng $66 million foreign military funding para sa Filipinas.