Romualdez: Gobyerno dapat manguna sa transisyon (Para sa malinis na enerhiya)
Hataw News Team
February 4, 2016
News
“PUWEDE namang maiksi at maliitang hakbang. Ang transisyon tungo sa mas malinis na enerhiya ay hindi kailangan biglaan. Ito ay dapat matatag na polisiya at suportang pinansiyal mula sa gobyerno. Panahon na upang lisanin ang pagkagumon ng bansa sa fossil fuel.”
Ito ang mariing tinuran ni Leyte congressman at 2016 senatorial bet Martin Romualdez, kasabay ng pagbibigay-diin noong Miyerkoles na ang inisyal na gastos sa transisyon sa enerhiya ng bansa ay maaaring mataas ngunit ang pamumuhunan sa alternatibong enerhiya na masusing pinag-aaralan ay pakikinabangan nang husto ng bansa.
Sinabi ni Romualdez na ang transisyong ito ay isang bagay na katumbas ng “national survival” dahil ang Filipinas ay isa sa mga bansang ‘malubhang tatamaan’ ng mga epekto ng “global warming” – na ang sanhi ay paggamit ng fossil fuel gaya ng langis.
“Ang alternatibong enerhiya at renewable energy ay maaaring ipasok sa polisiya bilang isa sa mga solusyon sa nararanasang krisis sa enerhiya sa Mindanao at iba pang papaunlad na bahagi ng bansa. Nagawa na natin ito noong dekada sitenta nang magbuhos ng pamumuhunan ang gobyerno sa hydro at geothermal energy. Ang mga enerhiyang ito ay nasa 13.67 at 14.4 percent ng pinagkukunan ng koryente sa kasalukuyan,” ayon sa mambabatas.
Iginiit ng miyembro ng House Committee on Climate Change ang pangangailangang ‘maparami’ ang ating alternatibong pagkukunan ng enerhiya, hindi lamang hydro at geothermal, kasabay ng pahayag na malaki ang potensiyal ng bansa sa “wind, biomass, solar at ocean power” at dapat lagyan ito ng pamumuhunan.
“Hindi naman natin inaasahan na ang ating pagkagumon sa langis, karbon at natural gas ay tuluyang mawawala sa isang kisap-mata na lang. Maaaring simulan ito dahan-dahang ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalagay ng solar panels sa tanggapan at gusali ng gobyerno, o ang pagpapagamit ng electric vehicles sa mga opisyal imbes SUV na napakagastos sa gas,” ayon kay Romualdez.
Ipinaliwanag din ng mambabatas mula sa Leyte na kasabay ng pagbibigay-halimbawa sa paggamit ng malinis na enerhiya, dapat makombinsi ng gobyerno ang pribadong sektor na ‘makiangkas’ na rin sa “renewable energy bandwagon.”
“Dapat natin alalahanin na sa ilalim ng sistemang feed-in-tariff o FiT system ng gobyerno, binibigyan ng garantiya ang mga proyekto sa renewable energy ng fixed rate kada kilowatt hour sa koryenteng mula sa proyektong ito sa loob ng 20 taon. Napakagandang insentibo na maaaring buhusan ng pamumuhunan ng pribadong sektor.”
Sa maliitang lebel o para sa mga konsyumer naman, sinabi ni Romualdez na maaaring mag-alok ang gobyerno ng pinag-isipang uri ng suporta gaya ng paglikha ng “clean energy loan program” para sa mga gustong maglagay ng solar panel sa kanilang mga tahanan.
“Ang solar power ay isa sa mga pinakamurang pagkukunan ng koryente. Nueve pesos lamang ang babayaran kada kilowatthour kaysa koryenteng nagmumula sa langis na nasa 11-11.50 pesos per kilowatthour. Kung susumahin ang mga numerong ito, malaki ang matitipid sa transisyong ito,” ayon sa abogadong alumnus ng UP.