Gates of Hell na ang Maynila dahil krimen sobrang grabe
Percy Lapid
January 27, 2016
Opinion
TILA talagang ‘natusta’ na ng alak ang utak ni Erap kaya balewala na sa kanya ang umimbento ng mga kasinungalian sa pag-aakalang patuloy pa siyang makapanloloko.
Kaduda-duda nga ang katinuan ni Erap dahil itinuturo niyang pasimuno raw nang paglaganap ng krimen na nangyayari ngayon sa Maynila ang naging kapabayaan daw ni Mayor Alfredo Lim sa mga pulis.
Nakalimutan yata ni alyas “Asiong Lasenggo” na siya ang nakaupong alkalde ngayon at sa magtatatlong taon pa lamang niya sa puwesto ay naging grabe ang paglubha ng krimen sa Maynila.
‘Buti na lang, nauso ang CCTV kung kaya’t ang talamak na krimen sa Maynila ay naidodokumento na ang karamihan ay tampok na balitang napapanood sa telebisyon araw-araw.
Kayo na ang makapagsasabi kung gaano kalaki ang agwat o diprensiya ng krimen sa administrasyon ni Erap kompara sa panahon na ang nakaupong alkalde ay si Mayor Alfredo Lim.
Katunayan, noong December 2014, ang mismong empleyado ng kanyang anak na si Sen. JV Ejercito sa Senado ay hinoldap at binaril sa Quirino Ave., Malate sa loob ng sinasakyan nitong taxi.
Hindi pa ba nakaaalarma kung pati staff mismo ng anak ni Erap sa Senado ay biktima na ng krimen?
Nakababahala rin ang pagkakasangkot ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa iba’t ibang krimen sa ilalim ni Erap.
Noong Nobyembre 2014, sinalakay ng mga miyembro ng SWAT ang tanggapan ng mga kasamahan nila sa District Anti-Illegal Drugs (DAID) sa MPD headquarters.
Arestado ang 15 pulis-MPD na nakatalaga sa DAID matapos masamsam sa kanilang mga locker ang 5-Kilo ng shabu.
Ang mga sangkot na pulis-MPD ay idinestino lamang umano sa NCRPO, gayong si Marines Lt. Col. Ferdinand Marcelino ay agad na ikinulong.
Ayon kay MPD Director Rolando Nana sa panayam natin sa kanya kamakailan sa radyo, hangga ngayon raw ay nasa preliminary investigation pa rin sa Manila Prosecutors Office ang kaso.
Dapat paimbestigahan ito ng Department of Justice (DOJ) at ni National Capital Regional Office (NCRPO) Director Joel Pagdilao.
Si Erap ay idolo ng mga kriminal mula pa nang pamunuan niya ang binuwag na Presidential Anti-Crime Commission (PACC) sa panahon ni FVR.
Hindi na tayo nagtataka dahil si Erap lang ang bukod-tanging naging pangulo ng bansa na matapos mapatalsik sa Malacañang ay nahatulang guilty sa kasong pandarambong sa salapi ng bayan.
Sabi nga, “Birds of the same feather, are the same birds,” hehehe!
‘Pirated Nationalist’ si Amado Bagatsing
MAHILIG talagang umangkas at umepal sa maiinit na isyu itong si Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing.
Sinakyan na naman niya ang usapin nang pagkondena sa pagpapagiba ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada sa PNB Bldg., sa Escolta St. sa Maynila.
Saksi ang mga mambabasa ng pitak na ito at ang masusugid na tagasubaybay ng ating programa sa radyo na noon pa ay paulit-ulit na nating ibinulgar ang maitim na plano at paglalaway ni Erap na pagkaperahan ang naturang gusali.
Wala namang problema kung magmalasakit sa pamana ng kasaysayan kung manggagaling ito sa lehitimong makabayan at hindi sa peke o pirated nationalist.
Labing-siyam na taon ang ginugol ni Amado sa Kongreso pero ni isang panukalang batas o resolusyon ay wala siyang iniakda para pigilan ang paggahasa sa cultural heritage ng Maynila.
Kumibo ba siya nang ipagiba ni Lito Atienza ang Jai-Alai Bldg.?
Nasaan si Bagatsing nang ipagiba ni Erap ang Army-Navy Club?
Hindi ba’t inulan ng batikos si Amado nang minsang umeksena si Bagatsing at magpanukala na ipihit na lang daw ang bantayog ni Dr. Jose Rizal para hindi na maging photo bomber ang Torre de Manila matapos ang imbestigasyon sa Kongreso na wala namang nangyari?
Marami tuloy ang nagulat kung paano naisip ni Amado ang gano’ng kahangalan at nag-aksaya pa ng pondo at panahon ang Kongreso para pag-isipan ito.
Ganyan na ba talaga kadesperado si Amado para mapansin ng mga Manileño na siya pala’y kumakandidato sa pagka-alkalde?
Santisima!!!
Lim, Libreng Serbisyo; Erap, puro perhuwisyo
HALOS dalawang bilyong piso ang iniwan ni Lim sa kaban ng Maynila noong Hunyo 30, 2013.
Dokumentado ito at pirmado ng itinalagang city treasurer ni Erap na si Liberty Toledo kaya hindi puwedeng paniwalaan ang paulit-ulit na sinasabi ni Erap na bangkarote ang Maynila nang iwan ni Lim sa kanya.
Sa kabila na walang isinaparibado ni isang ari-arian ng lungsod ay ipinairal ni Lim ang libreng serbisyong pangkalusugan, at edukasyon.
Naging bantog si Lim sa pagbibigay ng libreng “womb to tomb” program bunsod ng anim na public hospitals sa Maynila, ang lima ay kanyang naipatayo, na walang babayaran ang isang Manilenyo, libre ang doctor’s fee, maging ang mga laboratory tests at gamot.
Bukod diyan ay may 49 pang medical center at clinics na kanyang naipatayo, bukod pa sa regular na medical mission sa mga barangay.
Ang edukasyon ay wala rin bayad mula kindergarten hanggang kolehiyo.
Ultimo ang ibinibigay na pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa Office of the Mayor ay inilagak ni Lim sa kaban ng Maynila para idagdag sa healthcare fund.
Lahat nang ito’y naglaho sa panahon ni Erap.
Sino ngayon ang tunay na kampeon ng mahihirap?
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]