Amyenda sa building code isulong — Romualdez (Nanawagan sa engineers, architects)
Hataw News Team
January 26, 2016
News
MARIING nanawagan kahapon si Leyte Rep. Martin Romualdez sa engineers at mga arkitekto na umambag sa pagpapatibay ng bansa laban sa sakuna at hinimok na pangunahan ang mga hakbang sa pagsusulong ng amyenda sa National Building Code of 1972.
“Ayon sa United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNISDR) and the Centre on the Epidemiology of Disasters (CRED), tayo ang pang-apat sa ‘pinaka-disaster prone’ sa mundo,” babala ni Romualdez, na tumatakbong senador.
Sa harap ng masaklap na katotohanang ito, dapat nang pangunahan ng ating engineers at mga arkitekto ang paghimok sa kanilang mga kliyente – kasama na ang gobyerno – na pagtibayin ang safety standards na higit pa sa kasalukuyang ipinaiiral ng antigo nating building code,” dagdag ng mambabatas.
“Maaaring dagdag gastos ito para sa lahat, ngunit malalagyan ba ng halaga ang pagsasalba ng buhay?”
Sa isang pag-aaral na ginawa ng UNISDR at CRED, napag-alamang 274 kalamidad ang tumama sa Filipinas mula 1995 hanggang 2015. Sa buong mundo, tanging ang US, China at India ang mga bansang tinamaan ng higit pang bilang.
Sinabi rin ng mambabatas mula sa Visayas, na lubhang iginupo ng Bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, na ang lakas ng mga natural na kalamidad gaya ng nangyari sa kanyang lalawigan na Leyte ay “new normal” kung kaya ang mga estrukturang itinatayo sa bansa ay “dapat mapagtagumpayan ang bangis at mas madalas na pagtama ng mga bagyong ganito.”
“Dapat sana’y nabuksan ang ating isipan ng masaklap naming dinanas sa Leyte at ng pinsala ng lindol sa Cebu at Bohol sa agarang pangangailangan na repasohin ang ating mga batayang sinusunod sa pagpapatayo ng mga bahay, gusali, kalsada at tulay. Alam naman nating lahat na hindi na sapat ang puwede na,” paliwanag ni Romualdez.
Umabot sa P89.6 bilyon ang halaga ng mga ari-arian at impraestrukturang napinsala ng Bagyong Yolanda.
Isang buwan bago manalasa, niyanig ng lindol ang Central Visayas na tatlong milyong katao ang lubhang naapektohan. Tatlongdaang libo sa mga iyon ang nawalan ng tirahan nang masita ang 73,000 bahay. Mahigit P2 bilyong halaga ng mga pantalan, paliparan, simbahan at iba pang impraestruktura ang napinsala.
Ayon kay Romualdez, ang ‘antigo’ nang National Building Code na mahigit 40 taon nang ipinaiiral ay “dapat nang marepaso at gawing angkop sa mga pinagdaraanan ng ating bansang direktang nasa landas ng mga bagyo at lindol.
“Kapag mas maaga nating maisakatuparan ito, mas mabuti para sa ating lahat. Sa harap ng nagsusulputang gusali dahil sa construction boom, kailangan nating matiyak na lahat ng itinatayo natin sa buong Filipinas ay makatatagal sa pagsusungit ng Inang Kalikasan.”