OFFICIAL weigh-in kahapon Enero 21 ni Underground Battle (UGB) mixed martial arts middleweight champ Mark Palomar ng Filipinas para sa gagawin niyang title fight kontra kay dating One FC competitor Brad Robinson ng Estados Unidos para sa main event ng UGB MMA 13: Foreign Invasion sa Makati Coliseum.
Kilala si Palomar bilang isang striker at standup fighter na may malakas na suntok. May panalo siyang dalawa sa MMA at isang pagkatalo ngunit sa dalawa niyang pagwawagi ay nagpakita siya ng matin-ding potensiyal para maging susunod na kampeon sa buong mundo.
Sa panayam ng Hataw sa Pinoy mixed martial arts fighter, ipinangako niyang pagpupursigihan niyang mapabagsak agad ang katunggali sa simula pa lang ng kanilang laban dahil kilala si Robinson bilang mahusay na mandirigma sa USA na may bantog na galing sa grappling kapag na-patumba na at napahiga ang kalaban sa lona.
“Hindi ko na paaabutin pang magawa niyang mangibabaw dahil kapag natsambahan niya akong ma-wrestle sa lona ay magagamit niya ang kanyang galing sa grappling,” ani Palomar.
Sinabi rin ng Pinoy, puspusan ang kanyang naging pagsasanay dahil ang oportunidad na mapalaban para sa isang world title ay bihirang maibigay sa mga fighter na tulad niya.
“Pinaghandaan kong mabuti ito. Hindi ko nais na biguin ang aking fans at ito ay tsansa para sa akin na mabigyan ng karangalan ang ating bansa,” aniya.
Sa undercard ng UGB 13 : Foreign Invasion ay mapapalaban naman ang dalawang Pinoy na sina Rodian Menchavez kontra kay Ahjmed Mujtaba ng Pakistan para sa inaugural UGB MMA featherweight championship, at Battle of Beasts muy thai expert Welmil Graves kontra kay Uloomi Karim ng Pakistan din para sa kauna-una-hang kampeonato sa bantamweight ng UGB MMA.