Pamasko ng politiko sa Pasay dinidal ng tatakbong konsehal
Percy Lapid
January 18, 2016
Opinion
ISANG malaking politiko raw sa Pasay City ang nagmagandang-loob at nakaalalang padalhan ng regalo ang inyong lingkod bilang pamasko nitong nakaraang Disyembre 2015.
Ang pamaskong regalo ay ipinadala umano ng naturang politiko sa Pasay City sa isa niyang kaalyado na tatakbong konsehal at kapartido sa 2016 elections.
Humihingi tayo ng paumanhin sa politiko, kung nakarating lang sa atin ang kanyang regalo at hindi itinakbo ng kanyang kaalyado ay personal sana natin siyang napasalamatan.
Sa totoo lang kasi, namulat ang inyong lingkod na mula pagkabata ay nakalakihan na nating hindi pagsamantalahan o kalakalin ang Kapaskohan.
Nakasanayan ko na kasing ituring na ang anomang okasyon, mayroon man o wala, ay pare-pareho lang na lilipas din.
Ang malungkot nga lang, sa kabila nito ay may mga tao na pati ang iba ay ginagamit nila sa kanilang panloloko para magkapera.
Kung ultimo pipitsuging bagay at ganito kapangit na diskarte ay naiisip gawin ng isang kumakandidato pa lamang, ano pang kagaguhan kaya ang hindi niya magagawa laban sa kapwa kapag nagkamaling ihalal siya ng mga botante sa Pasay.
Sana sa susunod na may padadalhan ang opisyal, ‘wag niya nang padaanin sa pulis para hindi siya madidal ni “kupitan.”
Kadiri!!!
Kuya Germs ginagamit para pagkakitaan
MABUTING tao si German “Kuya Germs” Moreno kaya dumagsa ang nagbigay-pugay at nakiramay sa kanyang pagpanaw.
Pero “bad taste” o napakasama sa panlasa na ang tulad ni Kuya Germs ay kinakasangkapan pa ng isang ex-con para makasandok na naman sa kaban ng bayan.
Nagbabayad pa ang ex-con para itambol ang paglalaway niya sa perang kikitain sa ambisyon niyang buhayin daw ang Metropolitan Theater (MET).
Kesyo ang pagbuhay raw sa MET ang isa sa mga proyektong kursunada ni Kuya Germs bago binawian ng buhay at sinabi raw ito kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
Gustong palitawin ng mandarambong na desperadong makapanloko na naman at manalong alkalde sa 2016 na may huling-habilin sa kanya si Kuya Germs at katabi siya nito bago nalagutan ng hininga.
Kinakalakal lang ni Erap ang bangkay ni Kuya Germs sa isyu ng MET dahil ang totoong may kapangyarihan sa pamamahala nito’y ang National Commission on Culture and the Arts (NCAA) na siyang lehitimong nagmamay-ari nito.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay naglaan na ng pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa rehabilitasyon ng teatro.
Kahit pa mamaos si Erap sa pagkaladkad kay Kuya Germs para pagkakitaan ang MET ay hindi na uubra ang gusto niyang mangyari.
Huwag na siyang umasa na maloloko pa niyang muli ang mga Manileño na pinahihirapan niya mula pa noong 2013.
P900-M SSS fund ‘ninakaw’ ni Erap ‘di pa nababawi
TIKOM ang bibig ni Erap sa isyu nang pag-veto ni PNoy sa panukalang batas na magdadagdag ng P2,000 sa pension ng mga retiradong miyembro ng SSS.
Alam kasi ni Erap na isa siya sa pangunahing dahilan kaya kapos ang pondo ng SSS na maibigay ang umento sa pension.
Nang nilitis si Erap sa kasong plunder ay tumestigo sa Sandiganbayan si Carlos Arellano, ang kababata ni Erap na itinalaga niyang SSS president noong 1998.
Sabi ni Arellano, inutusan siya ni Erap na ipambili ng shares of stocks ng Belle Corporation ang P900 milyong pondo ng SSS.
llegal ang direktiba ni Erap pero pinilit niya si Arellano na sundin siya dahil sila ng kaibigang si Dante Tan ang may-ari ng Belle Corporation.
Pati ang pangulo ng GSIS noon na si Fedrerico Pascual ay tumestigo rin sa Sandiganbayan na piniit din siya ni Erap na ibili ng shares of stocks ng Belle ang P1.1-B pondo ng GSIS.
Matapos ilagak ang mahigit dalawang bilyong pisong pera ng GSIS at SSS sa Belle ay kinuha ni Erap ang kuwarta kaya nalugi ang kompanya.
Kaya nang hinatulan siyang guilty noong 2007 sa kasong pandarambong ay inutusan si Erap ng Sandiganbayan na isauli ang ninakaw na kuwarta.
Ang pagbawi sa mga ninakaw ni Erap ay kasama sa naging hatol sa kanya na kung tawagin ay accessory penalty.
Peroo hangga ngayon, hindi pa niya ibinabalik ang dinambong na salapi ng GSIS at SSS na inilagak at itinago niya sa kompanyang Wellex Corp.
Ang Wellex ay pagmamay-ari nila ni “Plastics King” William Gatchalian ng Valenzuela City.
Sino ngayon ang walang puso, si PNoy ba na nagsasabi nang totoong kalagayan ng SSS o si Erap na ayaw ibalik ang kuwartang ninakaw?
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]