SAF 44 kinakaladkad na naman sa politika
Percy Lapid
January 13, 2016
Opinion
MAGBABABANG-LUKSA na ang bansa sa Enero 25 sa pagkasawi ng 44 Special Action Force (SAF) commandos sa madugong Mamasapano incident.
Isang taon na mula nang magbuwis ng buhay ang SAF 44 dahil sa pagsusulong ng kampanya kontra-terorismo.
Mission accomplished ‘ika nga, napatay nila ang target ng operasyon, ang international terrorist na si Marwan.
Napaslang ng SAF ang isang terorista na may kakayahang maglunsad ng hindi matatawarang karahasan.
Nailigtas ng SAF 44 ang mga inosenteng buhay na isasakripisyo sana ng teroristang si Marwan.
Pero sa halip na paggunita sa kanilang kadakilaan, mas gusto pa ng mga politiko, lalo na ng mga senador, na gamiting instrumento ang Mamasapano incident para magpasiklab at batikusin ang administrasyong Aquino.
Kaliwa’t kanan na imbestigasyon na ang ginawa sa insidente, may nasibak na heneral, nag-iyakan pa ang mga heneral, at isa pa nga sa kanila’y kandidato sa pagka-senador.
Sinampahan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang mga miyembro ng MILF na sinasabing lumahok sa insidente.
Kung may dagdag o bagong ebidensiya na hawak si Sen. Juan Ponce-Enrile, mas makabubuti na isumite niya ito sa DOJ upang magamit na ebidensiya laban sa mga salarin.
Kahit itanggi pa ni Enrile, hindi naman maikakaila na paghihiganti lang ang motibo sa muling pagbubukas ng Mamasapano incident probe.
Dagdag pa rito na kaalyado niya si VP Jojo Binay na tulad niyang nahaharap din sa kasong pandarambong.
Alam naman ni Enrile na hindi puwedeng pilitin ang isang Pangulo na dumalo sa ano mang pagdinig kaya tine-telegraph niya sa pamamagitan ng press release ang mga itatanong raw niya kay PNoy kung pupunta sa Senate hearing.
Ang akala ng publiko, kaya pinayagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa si Enrile sa kasong plunder na non-bailable offense ay dahil may edad na, mahina na ang pangangatawan. Pero mukhang hindi ito ang ipinamamalas ng senador.
Lumalabas na malakas pa sa kalabaw ang senador at hindi nanghihina gaya nang ipinakita niyang lulugo-lugo siya habang naka-hospital arrest sa Camp Crame.
Iyan ang malinaw na isa sa mga maling desisyon ng mga “doktor” sa Kataas-taasang Hukuman.
Umaangkas lang sa pagkamatay ni Kuya Germs
KAWAWA naman ang yumaong si Master Showman German “Kuya Germs” Moreno, patay na nga ay gusto pa siyang kaladkarin sa kagaguhan ng dalawang senador na nakakulong sa kasong pandarambong.
Buti na lang, binigo ng Sandiganbayan ang hirit nina pork barrel scammers Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla na dalawin ang burol ni Kuya Germs.
Hindi naman kasi kadugo ni Kuya Germs ang dalawang senador at puwede naman nilang iparating ng pakikiramay sa pamamagitan ng kanilang mga kaanak.
Wala tayong matandaan na insidente na naging close si Kuya Germs sa kanilang dalawa kaya kaplastikan na gusto pa nilang makalabas ng kulungan para lang makiramay sa mga naulila ni Kuya Germs.
LTFRB umaasa lang sa social media
NAGING viral sa social media ang kabastusan ng isang taxi driver sa kanyang pasahero kaya inaksiyonan ito ng LTFRB.
Kumbaga, kahiyaan na, at hindi na maiwasan na balewalain ang insidente dahil libo-libo na ang nakapanood ng video na ini-upload ng biktimang pasahero.
Sa totoo lang, pudpod na ang daliri ng mga pasahero sa kaka-text sa hotline na ibinigay ng LTFRB sa publiko kung saan puwede raw magreklamo.
Ngayong aktibo na ang mga mamamayan sa social media, wala nang mapagpipilian ang mga taga-LTFRB at iba pang ahensiya ng pamahalaan kundi tugunan ang reklamo ng publiko.
Intregero si Escudero, Grace Poe mamalasin
DAPAT sawatain ni Sen. Grace Poe ang dispalinghadong diskarte ng kanyang running mate na si Sen. Chiz Escudero.
Mali at makakasama ang naisip ni Chiz na intrigahin ang Comelec para bigyan katuwiran ang depensa nilang qualified si Poe.
Bilang abogado at close friend ni Poe, naniniwala tayo na umpisa pa lang ay alam na ni Chiz na may problema sa kanyang citizenship ang senadora.
Akala ni Chiz ay magtatagumpay ang estratehiya nilang gawing paawa effect ang pagiging foundling ni Poe.
Nagkamali sila dahil ang mga nakaupo ngayon sa Comelec ay naniniwala sa rule of law.
Sa halip na paghandaan na lang ang oral argument sa Korte Suprema at hintayin ang magiging pasya ng kataas-taasang Hukuman, mas ginusto pa ng kampong Grace-Chiz na wasakin ang kredibilidad ng poll body.
Malamang na Korte Suprema naman ang susunod na iintrigahin ni Chiz kapag hindi sila nakakuha ng pabor na desisyon.
At kapag nagtagumpay si Chiz na durugin ang imahe ng Comelec ay baka magresulta ito sa failure of elections at posibleng mapalawig ang termino ni PNoy o magkagulo at mailuklok si Nog-Nog na talagang manok ni Chiz sa Palasyo.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]