Mison sinibak ni PNoy (Sa Bureau of Immigration)
Rose Novenario
January 8, 2016
News
SINIBAK na ni Pangulong Benigno Aquino III si Siegfred Mison bilang commissioner ng Bureau of Immigration (BI) at itinalagang kapalit niya si Atty. Ronaldo Geron.
“According to Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., President Aquino has appointed Atty. Ronaldo A. Geron, Jr., as Commissioner of the Bureau of Immigration effective 06 January 2016,” pahayag ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. kahapon.
Ang pagsipa kay Mison sa puwesto ay makaraang lumabas ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na may pananagutan siya sa apat na beses na pagtakas sa kustodiya ng BI ng Korean fugitive na si Cho Sendae.
Nitong nakaraang linggo, umugong ang balita na hinihintay ng Palasyo ang rekomendasyon ni Justice Secretary Benjamin Caguioa kung sisibakin na si Mison bunsod ng mga kinasasangkutang kontrobersiya hinggil sa panunuhol ng mga puganteng dayuhan para hindi mapalayas sa bansa.
Bukod dito, noong nakalipas na buwan, pinaimbestigahan ng Malacañang kay Caguioa ang mga kasong isinampa sa Ombudsman laban kay Mison.
Sa liham na ipinadala ni Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Menardo Guevarra kay Caguioa, hiniling na sisiyasatin nito ang limang kasong inihain sa Ombudsman laban kay Mison at isumite sa kanya ang rekomendasyon hinggil dito.
Kalakip ng sulat ni Guevarra kay Caguioa ang record ng mga kaso ni Mison sa anti-graft body gaya nang inihain nina Atty. Vicente Uncad, Ricardo Cabochan, Maria Rhodora Abrazaldo at Atty. Faizal Hussin.
Binigyang diin ni Coloma, tulad ng ibang presidential appointees, si Mison ay nakapuwesto dahil sa tiwala at kompiyansa ni Pangulong Aquino.
“Like all presidential appointees, the Commissioner and Deputy Commissioners of the BI serve for as long as they enjoy the President’s trust and confidence,” dagdag ni Coloma.
Ayon kay Coloma, si Geron ay nagsilbing Deputy Executive Secretary for Finance & Administration sa Office of the President mula noong 2010.
Mahigit 20 taon na aniya si Geron sa serbisyo-publiko, kasama ang termino niya bilang provincial administrator ng lalawigan ng Batangas at miyembro ng provincial board.
Nagtapos si Geron sa University of the Philippines College of Law noong 1987 at nakapasa sa Bar Exam noong 1988.