Monday , December 23 2024

Naglilinis-linisan si Erap, naiinggit pa kay Duterte

00 Kalampag percyGINAGAMIT na behikulo ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada si Davao City Mayor Rodrigo Duterte para maibangon ang mabaho at nabubulok niyang imahe na isinusuka ng publiko.

Wala kasing pumatol sa kanyang mga naunang parinig na tatakbo siyang pangulo saka-ling makulong sina VP Jojo Binay at madiskuwali-pika si Sen. Grace Poe. 

Dagdag pa, wala nang pagsidlan ang pagkamuhi kay Erap ng mga Manileño kaya gusto niyang maging instrumento ang popularidad ni Duterte para pag-usapan siya.

Dahil nga walang interesado na tumakbo siyang pangulo, kinaiinggitan niya si Duterte dahil sa katakot-takot na suportang nahahakot nito.

Kesyo kinokopya raw siya ni Duterte sa pag-amin sa publiko ng pagiging babaero pero siya raw ay may finesse at ang alkalde ng Davao City ay wala.

Sa Davao City lang daw bagay si Duterte, doon daw ay puwede niyang i-bullly ang mga tao, at hindi raw sa national politics.

Kung medyo lumalabnaw na ang memorya ni Erap at nakalilimutan na ang mga pinaggagawa niya sa mahigit apat na dekada sa politika ay tutulungan natin siyang sariwain ang kanyang nakaraan, lalo na ang dalawang taon at kalahati niyang panunungkulan bilang presidente.

Ang unang puwedeng gawin niya ay bumili ng libro na may titulong “Investigating Estrada” na inilathala ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Nakadetalye sa aklat na ito ang resulta ng pagsasaliksik at nakalap na mga dokumento ng PCIJ sa ipinagbibiling mansion at ari-arian ni Erap na umabot sa halagang dalawang bilyong piso sa pamamagitan ng dummies at shell companies, pagmamantina ng midnight cabinet at pag-abuso sa kapangyarihan para magpayaman.

Tinalakay rin sa aklat ang binuong mga korporasyon ng asawa, mga kalaguyo at anak ni Erap at ibinuko rin ang 66 na kompanyang sila rin ang nakalistang board members o incorporators.

Labing-apat sa mga naturang kompanya ay may assets na P600 milyon, samantalang ang idineklara ni Erap na kanyang net worth ay P35.8 milyon lang at ang kanyang net income ay P2.3 milyon lang noong 1999.

Ginamit na basehan sa impeachment complaint laban kay Erap noong 2000 ang serye ng mga artikulong inilabas ng PCIJ kaugnay sa pagkahumaling niya sa pagbili ng mga lupain at pagtatayo ng mga mansiyon.

Matatawag bang “finesse” ni Erap ang mga kuwento ng pinagsamahan nila ni Nora Aunor at ang tungkol sa pagkakawalay ng isang flight stewardess ng PAL na nagngangalang Rowena Lopez sa kanyang asawa?

Hindi na tayo magugulat kung bakit ang kaalyado pa rin si Vice President Jejomar Binay ang manok ni Erap sa 2016 presidential elections.

Imposibleng kampihan niya ang tulad ni Duterte na walang record ng pagnanakaw sa gobyerno dahil lulutang na siya ang Satanas na nagkatawang tao.

Kakaibang death penalty ni Erap

PARA palabasin na may isinusulong siyang adbokasiya laban sa illegal drugs ay itinatambol ni Erap ang pagbabalik ng death penalty sa drug offenders.

Susuportahan daw niya ang presidential bet na may katulad niyang paninindigan sa isyung ito.

Ang dapat tanungin ni Erap sa kanyang sarili ay kung bakit wala siyang naipabitay ni isang drug lord nang siya’y presidente pa.

Ilang beses nakaladkad ang pangalan ng isang kapamilya niya sa isyu ng illegal drugs, nakatikim ba iyon na matulog sa bilangguan kahit magdamag lang?

Bakit sa kanyang termino bilang alkalde ng Maynila ay parang candy na ibinebenta ang shabu at nahuli pa ang ilang pulis na nagtatago nito sa kanilang locker sa mismong Manila Police District (MPD) headquarters?

Bakit ang krimen na pandarambong ay ini-aabsuwelto ni Erap sa death penalty gaya rin nang pagmamaliit ni Binay sa korupsiyon bilang isa sa mga sanhi ng kahirapan sa bansa?

Isa sa mga sanhi nang pamamayagpag ng illegal drugs sa bansa ang pagkakanlong ng mga tiwaling politiko at opisyal ng gobyerno sa drug lords.

Malaking halaga ang ibinibigay ng drug lords para makapagtamasa ng proteksiyon sa mga taong gobyerno at kaanak nila, ang tawag dito’y corruption.

Paano magiging hiwalay ang corruption sa illegal drugs at iba pang krimen na sanhi nito?

Bakit ang gusto lang patawan ng death penalty ni Erap ay drug lords at hindi ang mga protektor nila sa gobyerno?

Aba’y kapag nagkaton kasi ay mauubos ang political dynasty sa bansa at unang tatamaan ang angkang Estrada.

Bakasyon ni Mison

NAKABALIK na kaya si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Siegfred Mison mula sa kanyang mahabang bakasyon grande sa bansang Korea?

Kunsabagay, parang dekorasyon na lang naman si Mison sa BI dahil ang lahat ng kapangyarihan na dati niyang hawak ay naisalin na kay Associate Commissioner Gilbert Repizo ni Department of Justice (DoJ) Sec.  Alfredo Benjamin Caguioa.  

Base sa travel authority na ibinigay kay Mison, ang kanyang biyahe ay tatagal mula December 27, 2015 hanggang January 3, 2016.

Masyado naman yatang mahaba ang bakasyon na ito kaya may mga nagdududang baka stop over lang ng kanyang tunay na biyahe ang Korea.

Balita kasi natin, masyado raw mahigpit ngayon sa mga naisyuhan at aplikante ng green card ang United States government.

May balita pa tayo na kinokompiska na ng Immigration authorities doon ang green card sa mga may hawak nito at kinakansela ang application kung mas matagal pa ang pamamalagi nila sa labas ng Estados Unidos.

Para que nga naman nag-apply pa ng green card kung hindi naman pala mamamalagi doon at mas matagal pang wala sa Amerika.

Sec. Caguioa, paki-check nga po kung walang paglabag sa travel authority na ibinigay kay Mison para sa katatapos niyang bakasyon!

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *