NANATILING tahimik ang kampo ni Manny Pacquiao kung sino na nga ba ang magiging kalaban nito sa kanyang magiging farewell fight sa Abril 9 sa MGM Arena sa Las Vegas.
Ang nasa short list ni Pacman ay sina WBO welterweight champion Timothy Bradley at WBO jr. welterweight champion Terence Crawford. Pero nitong nakaraang araw ay nadagdag sa listahan si Adrien Broner sa pinagpipilian.
Bagama’t tahimik ang kampo ni Pacman kung sino na nga ba ang pipiliin nito, maugong na alingasngas na si Bradley ang magiging mapalad, na ngayon ay tinitrain ni Teddy Atlas.
Maging si Robert Garcia ay naniniwalang si Bradley ang pipiliin ni Pacquiao para sa ikatlo nilang paghaharap.
Matatandaan na sa unang paghaharap ng dalawa ay nanalo si Bradley sa pamamagitan ng kontrobersiyal na 12th round split decision. Pero bumawi sa rematch si Pacman na nagrehistro naman ng unanimous decision noong 2014.
Sa pananaw ni Garcia, medyo nararamdaman na ni Pacquiao ang kanyang edad (37-anyos), samantalang si Bradley ay tipong ngayon pa lang sumisibol lalo na nang patulugin nito si Brandon Rios noong nakaraang buwan.