May ‘Swimming Pool’ sa tapat ng city hall ng Mandaluyong

mandaluyongKUNG noong hindi umuulan, grabe ang baha sa harap ng Mandaluyong City Hall, aba ‘e mas lalo na nitong Martes ng gabi (kasagsagan ng bagyong Nona).

Nagmukhang ilog ang rotunda.

Makikita po ninyo sa larawan kung ano ang itsura ng Mandaluyong City Hall bago bumagyo.

Grabe ang baha at mayroong malalim na hukay na walang ano mang palatandaan o babala para maipaalam sa mga pedestrian at sa mga motorista para makapag-ingat na huwag mahulog doon.

‘Yan pong hukay na ‘yan sa Maysilo St., at sa tapat mismo ng city hall ay isang taon nang inirereklamo ng mga residente, pedestrians at mga motorista.

Tatlong tao na ang muntik nang mahulog sa hukay na ‘yan buti na lang, agad nasasagip ng mga kapwa nila pedestrian.

Ang nakapagtataka bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ina-aksiyonan ni Mayor Benhur Abalos ang hinaing na ‘yan.

Gusto tuloy nating isipin na baka hindi nagpupunta sa city hall si Mayor Abalos dahil parang hindi niya nakikita kung anong perhuwisyo ang nararanasan ng mga residente, pedestrian at motorista na obligadong dumaan sa lugar na iyan.

‘E ano ba talaga, Mayor Benhur Abalos? Nag-oopisina ka pa ba sa tanggapan mo riyan sa city hall ng Mandaluyong?!

O baka naman naka-helicopter ka kapag pumapasok kaya hindi mo nakikita ‘yang baha at malalim na hukay sa tapat mismo ng city hall ninyo?!

O baka naman masyado ka nang busy sa pangangampanya?!

Aba, huwag ka naman mag-iwan ng sakit ng ulo!

[divider]

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com