Friday , November 15 2024

TR-APEC-TA’DO (Angal ng commuters at motorista)

APEC-TADO2TRAFFIC tinarantado ng APEC o tr-APEC-ta’do.

Ito ang sentimyento ng commuters na napilitang maglakad mula Coastal Road sa Parañaque City patungo sa Plaza Lawton sa lungsod ng Maynila kahapon resulta ng pagsasara sa Roxas Boulevard at iba pang kalsada sa Pasay City at Maynila upang bigyang-daan ang world leaders na lalahok sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit.

Ang iba ay naglakad mula NAIA Road patungo sa EDSA Ave., Extension makaraang isara ng mga awtoridad ang Tambo Road sa Parañaque City.

Habang ang mga motorista at commuters ay nakaranas ng matinding trapik sa pangunahing mga kalsada, partikular sa mga erya ng South Luzon Expressway, Diosdado Macapagal Avenue, Sen. Osmena Highway, Quirino Avenue, Taft Avenue, Gil Puyat Avenue at EDSA Avenue mula 6 a.m. hanggang 10 a.m.

“From Alabang Viaduct in Muntinlupa to Magallanes in Makati as early as 6:30 in the morning we encountered the gridlock,” pahayag ni Shiela Sarabia, nagtatrabaho sa  Intramuros at residente ng Laguna.

“Sana ginawa na lang holiday ang Nov. 16 para hindi na nahirapan ang mga tao? Trapik rito trapik doon. Ano ba naman ‘yan?” pahayag ng 23-anyos na si Jayar Son, na hindi nakapasok sa kanyang trabaho sa Makati City.

Ang ibang commuters ay umuwi na lamang at nagpasyang huwag nang pumasok sa trabaho dahil sa kalagayan ng mga kalsada at kawalan ng masasakyan.

Sa tweet ni Women’s volleyball player Abigail Marano, sinabi niyang “APEC-tado talaga kami dito na nakatira sa MOA. Nakaka-beastmode.”

Seguridad ng APEC ‘Overkill’ (Para hindi malusutan)

TAWAGIN nang ‘overkill’ ang sobrang higpit ng seguridad ngunit sa punto ng Philippine National Police (PNP), ‘di lamang mga delegado at heads of state ang pinoprotektahan dito kundi pati na ang ating mamamayan sa gaganaping APEC Summit sa bansa.

Ito ang pahayag ni PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez kahapon. Aniya, kailangan nilang magkaroon ng adjustment sa security kasunod nang malagim na terrorist attack sa France.

Kailangan aniya nilang palakasin ang kanilang pagbabantay sa areas of converegence at sa labas ng APEC area.

Nagdagdag ng physical barriers ang mga awtoridad sa labas ng areas of engagement.

Sinabi ng PNP chief, pati tropa ng Armed Forces of the Philippines  (AFP) ay kanila na ring makakasama sa pagpapatrolya sa mga lugar na nabanggit upang matiyak na mas mahigpit ang kanilang ipatutupad na seguridad at hindi malusutan nang ano mang anyo ng terorismo.

Samantala, kuntento si Department of Defense (DND) Secretary Voltaire Gazmin sa ipinatutupad na seguridad ng APEC Security Task Force.

Sinabi ni Gazmin, ginagawa na ng mga awtoridad ang lahat ng contingencies para makatugon sa hindi inaasahang mga pangyayari.

Banta ng terorista vs APEC Summit bineberipika

BINEBERIPIKA na ng mga awtoridad ang banta ng pag-atake ng mga terorista sa idinaraos na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa bansa hanggang sa Biyernes, ayon sa Palasyo.

Mula pa nitong nakalipas na Sabado ay kumalat sa social media ang video ng tatlong armadong kalalakihan na nakatakip ang mukha at may bandila ng teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), na nagbanta ng pag-atake ng kanilang grupo ano mang araw.

“Our security authorities are also verifying the video,” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. hinggil sa video.

Ang mensahe ng grupo ay para kay Pangulong Benigno Aquino III, mga mambabatas at mga opisyal ng pamahalaan, at sinabing hindi nila nakalilimutan ang anila’y ginawang mga pang-aabuso, at pagmasaker sa mga kapatid na Muslim.

“Kami ay pupunta sa inyo na may dalang suicide bombs sa aming mga katawan. Ang pagmamahal namin sa kamatayan ay mas sobra pa kesa sa pagmamahal ninyo sa inyong mga buhay. Ito ay magaganap na balang araw at malapit na ito,” anang boses sa video.

Ang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na nakabase sa Mindanao ay isa sa mga kaalyadong grupo ng ISIS.

Kaugnay nito, nagbabala ang security analyst na si Professor Rommel Banaoi na hindi dapat ipagwalang bahala ang pagbabanta ng ISIS dahil sa presensiya ng kanilang mga kakampi sa Filipinas.

Nitong Sabado ay pinulong ni Pangulong Aquino ang cabinet security cluster makaraan ang terror attacks sa Paris na ikinamatay nang mahigit 130 katao nitong Biyernes ng gabi.

Malawakang rally banta ng militante

NAGBANTA ang mga militante nang pinakamalaking rally sa Philippine International Convention Center (PICC) kasabay ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa ika-19 ng Nobyembre.

Nagtipon-tipon sa Plaza Salamanca sa Ermita, Maynila kahapon ang mga militante mula sa iba’t ibang grupong naglalayong iparating sa gobyerno ang masidhing pagtutol sa summit. 

Sa mga kalatas na ipinamamahagi ng mga grupo, nagkakaisa sila sa pagkondena sa magarbong paghahanda na sana ay inilaan na lang anila sa mga serbisyo.

Makalipas anila ang 19 taon simula ang unang pag-host ng Filipinas sa 1996 APEC Summit, walang napala ang mga pangkaraniwang mamamayan bagkus ay pawang mga negosyante ang nakinabang. 

Sorry sa publiko

HUMINGI ng paumanhin sa publiko ang mga opisyal na nangangasiwa sa seguridad para sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders summit.

Sa harap ito namg perhuwisyong naranasan ng libo-libong commuters mula sa Cavite na hindi nakapasok sa kanilang trabaho dahil sa matinding traffic.

Nagmistulang malaking parking area ang kahabaan ng Aguinaldo highway hanggang sa coastal area sa Parañaque  City dahil sa hindi kumikilos na mga sasakyan.

Sa ginanap na press briefing sa international Media Center (IMC), sinabi kahapon ni PNP spokesman, Chief Supt. Wilben Mayor, humihingi sila ng dispensa sa mga naapektuhan ng traffic dahil hindi aniya sila nagkulang sa pagpapalabas ng abiso.

Muling nanawagan si Mayor sa publiko ng pang-unawa sa ipinatutupad na paghihigpit dahil bahagi aniya ito ng preparasyon para matiyak ang kaayusan sa gaganaping APEC Summit.

Karamihan sa mga commuter na nakaranas ng matinding traffic ay nagpasyang bumalik na lamang sa Cavite dahil nahuli na sila sa kanilang pasok sa trabaho.

Walang signal jam (Tiniyak ng Telcos)

TINIYAK NG dalawang nangungunang cellphone companies na walang katotohanan ang mga balitang kumakalat na mawawalan o i-ja-jam ang signal ng mga residente ng Metro Manila ngayong APEC Summit.

Ito ay kasunod nang pagpapaigting at dobleng seguridad na isinasagawa ng Filipinas para sa pagdating ng APEC heads of state.

Siniguro ng telcos na normal na nag-o-operate ang kanilang mga cellsites at itinanggi na mayroon nang opisyal na direktiba sa kanila na nag-uutos sa pagputol sa linya ng mga komunikasyon.

Dagdag pa nila, aabisuhan nila ang publiko sa oras na makatanggap sila ng direktiba sa National Telecommunications Commission kung sakaling matuloy ang panandaliang pagputol sa linya ng mga komunikasyon sa ilang parte ng Metro Manila gaya nang ginawa nila noong bumisita si Pope Francis sa Filipinas.

Minute of silence sa Minesterial Meeting (Sa opening ng APEC)

BAGO nagsimula ang Ministerial Meeting, nag-alay muna ng isang minutong katahimikan ang APEC delegates para sa mga biktima ng terror attack sa Paris.

Nagsimula ang 27th APEC Ministerial Meeting sa Mariott Hotel sa Manila kahapon.

Pinangunahan ito ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na siyang chairman ng Ministerial Meeting ngayong taon.

Bukod sa foreign ministers ng APEC members, kasali rin ang trade ministers sa naturang pagpupulong.

Nitong weekend ay nagkaroon ng serye ng pang-aatake sa Paris, France na ikinamatay nang mahigit 130 katao.

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *