Atake sa Paris WWIII piecemeal (Ayon kay Pope Francis)
Rose Novenario
November 16, 2015
News
ITINURING ni Pope Francis na “inhuman at piecemeal ng World War III” ang madugong pag-atake sa Paris na ikinamatay ng mahigit sa 120 katao.
Labis na nasaktan ang Santo Papa sa aniya’y dahil mga inosenteng sibilyan ang mga nabiktima.
Malapit si Pope Francis sa mga mamamayan ng France kaya ipinagdarasal niya lalo na ang mga biktima ng terroristic attacks.
Nabatid na kinilala na ng mga awtoridad ang isa sa pitong teroristang umatake sa Paris.
Ayon sa French police, ang first attacker, ang 29-anyos na si Omar Ismail Mostefai, kinilala makaraang matagpuan ang labi sa Bataclan concert hall.
Magugunitang inamin ng ISIS na sila ang responsable sa pag-atake sa apat na lugar sa Paris.
Nabatid na patay ang walong suspek sa pag-atake.
Walang nabiktimang pinoy sa Paris
WALANG nadamay na Filipino sa magkakasunod na atake ng mga armadong puwersa sa Paris, France, ayon sa ulat ng Palasyo.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., wala pang natatanggap na ulat ang Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa Philippine Embassy sa Paris na may Filipino na naapektouhan sa terror attacks nitong Biyernes.
“Patuloy na nakikipag-ugnayan ang ating Department of Foreign Affairs sa ating Philippine Embassy sa Paris, kina Ambassador Maria Theresa Lazaro, sila ay nag-mo-monitor ng sitwasyon doon. Wala pa tayong natatanggap na ulat hinggil sa mga Filipino national na naapektohan sa terror attacks at ang ating embahada doon ay nagpaparating ng assistance,” ani Coloma.
Kombinsido aniya ang Malacañang na ganap ang kahandaan at kakayahan ng militar at pulisya para siguruhing ligtas ang bansa para sa idaraos na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit mula Martes hanggang Biyernes.
Kamakalawa, pinulong ni Pangulong Benigno Aquino III ang cabinet security cluster para paigtingin ang paghahandang panseguridad kaugnay sa APEC sa harap nang matinding ligalig bunsod ng Paris terror attacks.
“Ang sabi ng Pangulo, mahalaga na maging ligtas ang ating bansa para sa gaganaping pagpupulong at maging panatag din ang kalooban ng ating mga mamamayan, na ang Sandatahang Lakas at ang Pulisya ay ganap ang kahandaan at kakayahan para sa napakahalagang international event na host ang Filipinas sa darating na linggo,” ani Coloma.
Buong mundo nakiramay sa Paris
NAKIKIRAMAY ang buong mundo sa mga biktima at naiwang pamilya ng mga namatay sa malubhang trahedya sa Paris, France kamakalawa na ikinamatay nang mahigit 120 katao.
Ilang mahahalagang monumento katulad ng Sydney Opera House sa Australia, Empire State Building sa U.S, at One World Trade Center sa New York ang inilawan ng asul, puti at pula na siyang kulay ng bandila ng France.
Una na ring umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga world leaders ang madugong terror attack sa Paris.
Maging sa social media, nakikiisa ang lahat sa layunin na mabigyan nang agarang hustisya ang mga biktima.
Isinusulong ngayon na lawakan ang kaalaman at bilang pakikiisa sa pagdadalamhati sa pamilyang naiwan ng mga namatay sa naturang trahedya, ang paggamit sa social media ng hashtag na “#porteouverte” o “open door.”
Marami rin ang nagtungo sa French embassies sa buong mundo upang magtirik ng mga kandila at mag-alay ng mga bulaklak at makiramay sa malubhang sinapit ng bansa.
Bukod sa ordinaryong netizens, nakiramay rin ang Hollywood at local celebrities sa trahedya.