X-ray template, possible sa modus na ‘tanim-bala’
Percy Lapid
November 6, 2015
Opinion
SALAMAT naman, sa wakas ay pumasok na sa eksena ang Department of Justice (DoJ) at National Bureau of Investigation (NBI) para mabuwag ang sindikato ng ‘tanim-bala’ sa Notorious Arsenal International Airport, este, Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kahit paano ay mababawasan nang kaunti, kahit bahagya, ang pangamba sa dibdib ng ating mga kababayan at ng mga dayuhang pasaherong papaalis ng bansa.
Sa bisa ng Department Order No. 887 na pinalabas ni Justice Secretary Alfredo Benjamin Caguioa, binuo ang NBI Special Task Force (Tanim Laglag Bala) na mag-iimbestiga sa nabulgar na raket.
Ang sinomang mapapatunayang sangkot sa pagtatanim ng ebidensiya ay sasampahan ng criminal at administrative case na ang parusa base sa batas ay maaaring mahatulan ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo, mas mabigat kompara sa nahulihan ng bala.
Tingnan natin kung may mababalitaan pa tayong mahuhulihan ng bala ang mga tauhan ng Office of the Transportation Security (OTS) at DOTC ngayong nakabantay ang DOJ at NBI sa NAIA.
Taliwas sa pagtanggi ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya na isolated case, may sabwatan at sindikato sa OTS, isang ahensiya sa ilalim ng kanyang tanggapan, umabot na pala sa mahigit 1,000 ang naitalang insidente ng mga umano’y pasaherong nahulihan ng bala sa NAIA pero 50 lang dito ang naisampa sa piskalya ng Pasay City.
Ibig sabihin, mahigit sa 900 na insidente ay na-convert sa cash ng mga mangingikil sa NAIA.
Ayon mismo sa NBI base sa kanilang initial na imbestigasyon, may sindikato sa likod nito na binubuo ng mga ahente mula sa tanggapan ni Immigration Commissioner Siegfred Mison, NAIA police, X-ray scanners ng OTS-DOTC, baggage inspectors at porters.
Una pa lang pumutok ang kabulastugang ito’y iminungkahi na natin agad na NBI ang dapat mag-imbestiga para maging patas ang pagsisiyasat dahil sila lang ang law-enforcement agency na walang permanenteng tauhan na nakatalaga sa NAIA.
Kung tayo ang tatanungin, dapat umpisahan ng NBI ang imbestigasyon sa X-ray machine at sa scanners nito.
Duda natin, may X-ray template na ginagamit ang scanners, isang imahe na may hugis ng bala na kumbaga sa computer ay saved document na binubuksan nila na makikita sa monitor kapag may bagahe na kanilang bibiktimahin.
Kapag nakita kasi ang imaheng ito ay kukunin ang bagahe, at sa bilis ng kamay ng mga miyembro ng tanim-bala syndicate, puwede na nilang itanim ang bala sa loob nito.
Isa pa sa dapat alamin ng DOJ at NBI ay para saan ang umano’yPREPARED WAIVER/AFFIDAVIT na inilalabas ng mga tauhan ng OTS-DOTC na papipirmahan sa mga biktimang hindi nakasuhan.
Abangan!!!
Ping Lacson naalarma sa isang bala?
SI dating Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson pala ang principal author ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na nagsasaad na makukulong ng anim hanggang 12 taon ang taong napatunayang may dala ng bala kahit ito’y isang piraso lang.
Ayaw raw ni Ping sa mga panukalang kompiskahin na lang ang bala sa pasahero sa NAIA sa halip na kasuhan, para matuldukan na ang operasyon ng tanim-bala syndicate sa paliparan.
Katuwiran niya, mas delikado raw ang isang bala na dala ng isang tao na may record na pinaghinalaang assassin kaysa isang mahilig sa baril na may isang kahon ng bala.
Sa tingin ba ni Lacson ang mga OFW o matatandang lolo at lola na inakusahang may bitbit na bala ay terorista at assassin kahit ni bahid ng anomang criminal record ay wala?
Santisima!!!
Kompara sa isang bala ng assassin na katatakutan na nais niyang ipinta, ‘di hamak na nakakikilabot ang binuwag na Presidential Anti-Crime Commission (PACC), ang tanggapan na pinamunuan nila ng dating among si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na ilang beses nasangkot sa rubout o multiple murder.
Hindi pa naman nakalilimot ang publiko sa mga record ng PACC, batay sa mga imbestigasyon ng NBI, Commission on Human Rights (CHR) at Kongreso na ang mga pagpatay nila sa mga umano’y kriminal ay “unlawful and unnecessary.”
Nariyan ang pagpatay sa Pueda brothers at dalawa pa noong Agosto 1992; pagtumba kay Lai at apat pa noong Setyembre 1992; pagpaslang sa OFW na si Wilfredo Aala noong Oktubre 1992; pagpatay sa mga umano’y Red Scorpion Group (RSG) members noong Enero 1993; pagpaslang kay RSG leader Alfredo de Leon noong Pebrero 1993; kay Carmelio Calasan noong Enero 1994, kay Wilfredo Muñoz at anim pa noong Enero 1994, kay Jimmy Co noong Abril 1994, kay Rafael Almero noong Enero 1995, sa 13 umano’y Kuratong Baleleng Gang members noong May 1995.
Noong si Ping ang hepe ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) ay nadawit sa pagdukot at pagpaslang kay PR man Bubby Dacer at driver na si Emmanuel Corbito.
Dahil sa dispalinghadong batas na kanyang iniakda, good luck na lang sa mga bobotante!
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]