Sundin ang panawagan ni Pope Francis at Tagle, magnanakaw ‘wag iboto!
Percy Lapid
October 28, 2015
Opinion
NOONG Marso, pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang paglulunsad ng isang mabuti at napapanahong adbokasiya laban sa korupsiyon sa pamahalaan.
Isa ang pagsusuot ng T-shirt na nakasulat ang malalaking letra ng mga katagang “Huwag Kang Magnakaw” bilang simbolo ng ating hayagang pagtutol laban sa pagnanakaw.
Inilunsad ito kasunod ng nabulgar na PDAF scam na kinasangkutan ng mga mambabatas at ang pagkakabunyag sa hindi masayod na kayamanang naipundar ng pamilya ni Vice President Jejomar Binay sa loob ng mahigit 30 taon na pamamahala nila sa lungsod ng Makati.
Pero bukod kay Cardinal Tagle at mga Obispo sa bansa, mismong ang pinuno ng Simbahang Katoliko na si Pope Francis ay kakampi ng sambayanan laban sa talamak na korupsiyon.
Sa dalawang magkasunod na pagkakataon nitong nakaraang linggo, to the max na ang pagkondena ni Pope Francis sa tindi ng korupsiyon ng mga pala-simbang Kristiyano.
Partikular na binanatan ni Pope Francis ang mga naturingang Kristiyano na malaki nga ang inaabuloy sa Simbahan pero ang salapi naman na kanilang ibinibigay ay pera na nakamal sa pagnanakaw kaya dapat silang parusahan.
Sabi ni Pope Francis, “Christians who lead ‘a double life’ by giving money to the Church while stealing from the state are sinners who deserve to be punished.”
Kinondena niya ang mga Katoliko na ang yaman ay mula sa pandurugas at ginagamit ang nakakamal sa pagpapalaki sa mga anak at ipinantutustos sa pagpapa-aral ng mga anak sa mamahaling eskuwela.
“Those who take kickbacks have lost their dignity and give their children dirty bread”, ani Pope Francis.
Ikinumpara niya ang pagkatao ng mga magnanakaw sa nitso na maganda lamang tingnan sa labas, lalo malinis at pinturado, pero ang loob naman ay bulok.
Para kay Pope Francis, ang dapat sa mga magnanakaw ay igapos sa malaking bato at ihagis sa dagat para mamatay.
Ibinase ni Pope Francis ang winika ni Kristo sa Bibliya na: “It would be better for him if a millstone were put around his neck and he be thrown into the sea.”
Kung si Pope Francis ay isang Filipino at kasama nating naninirahan dito sa bansa, malamang na si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang una niyang pasasampolan at ipahahagis sa dagat.
“Dasalasa Non-Sense” na tanim-bala sa NAIA
HINDI ako nakatulog sa matinding pagkainis matapos kong marinig kamakalawa ang balita sa sinapit ni Gng. Gloria Ortinez, isang OFW sa Hongkong na ‘di umano ay nahulihan ng bala ng baril sa kanyang bagahe.
Naapektohan tayo sa nangyari kay Aling Gloria, 56 na taong gulang, na paalis sana noong Linggo (Oct. 25) bilang domestic helper sa Hong Kong.
May 26 na taon na siyang naghahanap-buhay sa naturang bansa bilang lehitimong OFW at ngayon lang niya dinanas na maudlot sa kanyang pag-alis.
Pinigilan siyang makaalis ng mga nakatalagang examiner ng Office of Trasportation Security (OTS) sa NAIA Terminal II matapos umano siyang mahulihan ng isang bala ng baril sa kanyang bitbit na bag.
Si Aling Gloria ay tubong Ilocos kung kaya’t napansin ko sa narinig kong panayam sa kanya na hirap siyang magsalita at magpaliwanag sa Tagalog.
Ayon sa napakinggan kong salaysay ni Aling Gloria, connecting flight ang kanyang pagbiyahe patungong HK.
Nagbiyahe siya mula Ilocos sakay ng isang domestic flight patungong NAIA Terminal II para doon sumakay ng kanyang international flight patungong HK.
Paliwanag ni Aling Gloria, hindi na siya lumabas ng Terminal II at mula sa domestic area ay umakyat na siya sa international departure area ng nasabing gusali para sa kanyang susunod na flight patungong HK.
Nang idaan ang kanyang bitbit na bag sa x-ray machine detector ay doon na bumangon ang kanyang problema, may natagpuang bala sa kanyang bag.
Pero hindi lang ako ang duda, kundi mas marami ang naniniwala na siguradong planted ang natagpuang bala sa bag ni Aling Gloria at biktima siya ng sindikatong “Tanim Bala” sa NAIA.
Labag sa sentido-kumon na si Aling Gloria ay magpalusot ng isang bala na kanyang dadalhin pa sa bansa na kabisado naman niyang mas mahigpit, tulad sa HK.
Para que na magdala ng isang pirasong bala kung wala namang baril ang isang tao, para saan niya ito gagamitin?
Kung talagang may dala siyang bala, bakit hindi ito nakita sa pinanggalingan niyang Airport sa Ilocos na ang bagahe ay dumaan din naman sa X-ray machine?
“Dasalasa non-sense” tiyak ang sasabihin ng yumaong komedyante na si Mang Nano (a.k.a. Pugo) kung nabubuhay pa!
Dapat nang sipain ang OTS ng DOTC sa mga paliparan sa bansa para mabuwag ang mababaw na sindikatong ‘yan!
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]