Friday , November 22 2024

Amnesty ni Erap sa amilyar bistadong gimik sa politika

00 Kalampag percyPANAHON na naman ng eleksyon kaya namimi-lipit sa kaiisip ang kampo ni ousted president at convicted plunderer Erap Estrada kung paano pababanguhin ang napakabantot niyang imahe.

Kandabulol sa pambobola si Erap kamaka-ilan nang ianunsiyong inaprubahan niya ang ordinansa hinggil sa tax amnesty program.

Akala ni Erap ay mga gago, bobo at tanga ang mga Manileño na lulundag sa tuwa sa bago nilang pakulo ng mga alaga niyang aso sa Konseho.

Walang ibig sabihin ang anomang amnesty sa buwis kundi ang pag-aalis ng mga interest at penalty sa mga hindi nakapagbayad sa tamang oras pero babayaran pa rin ang amilyar na itinaas ni Erap ng 300% mula nang mapuwesto siya sa city hall.

Ipinagmalaki pa ng sentensiyadong mandarambong na ang tax increase na kanyang ipi-natupad sa Maynila ay nagresulta raw sa pagkakaroon ng P9.8-B surplus cash.

Ganoon naman pala, e! Bakit kailangan pang isapribado ang mga public market at itambak sa kalye ang mga vendor na lalong nagpasikip at nagpalala sa trapiko?

Bakit pinagbabayad ni Erap ang mga pasyente sa anim na public hospitals na ipinatayo ni Mayor Alfredo Lim para sa libreng serbisyo sa mga Manileño?

Bakit kailangan isapribado pati ang Lacson Underpass sa Quiapo na ipinatayo ni yumaong Mayor Arsenio Lacson na pampublikong tawiran?

Dati, nasa Manila Zoo ang mga hayop pero nalipat na yata sila sa city hall dahil naibenta na rin ni Erap sa mayayamang negosyante na pagtayuan ng malalaking gusali.

Ilan lang iyan sa mga puwedeng-puwedeng pondohan ng lokal na pamahalaan ng Maynila kung totoo na nag-uumapaw naman pala ang kaban ng lungsod.

Kasama sa mga hindi maipaliwanag ni Erap ang pagkakabenta sa makasaysayang Army and Navy Club, malapit sa Luneta, at ang Grand Boulevard Hotel na kinompiska ng Manila city government dahil sa malaking pagkakautang nito sa buwis.

Eleksiyon na lang talaga ang hinihintay ng mga Manileño na nagsawa na sa mga panloloko at panggagantso ni Erap.

Alam na ng mga Manileño na style-bulok si Erap!

RAC Gates of Hell kay Honey Lacuna

HINDI pala dapat magalit ang mga Pinoy sa American author na si Dan Brow nang ilarawan ang Maynila bilang “gates of hell’ sa nobela niyang Inferno.

At ang “tarangkahan sa impiyerno” ay matatagpuan sa Manila Reception and Action Center Manileño na pinangangasiwaan ni Honey Lacuna-Pangan, ang hepe ng Manila Social Welfare Department na running mate ni Erap sa 2016 elections.

Sa panahon ni Lacuna-Pangan sumikat ang RAC bilang makabagong “concentration camp” imbes rehabilitation center para sa street children, ayon sa non-government organization na Bahay Tuluyan (BT).

Sa panahon ng digmaan, sa concentration camp itinatambak ang mga bilanggo na pinahihirapan hanggang mamatay.

Nasaksihan mismo ng BT kung gaano kamiserable ang kondisyon ng mga batang dinadala sa pasilidad, tulad ng batang si Frederico na nakita nilang buto’t balat, nakahubad, may mga galis at black eye na nakahiga sa baldosang magaspang.

Dalawang beses sinulatan ng BT sina Erap at Lacuna-Pangan, pero nagtaingang-kawali lang sila, kaya napilitan ang NGO na ilathala sa social media ang larawan ni Frederico.

Nang umani nang batikos ang RAC dahil sa retrato ni Frederico, saka lang hinarap ni Estrada ang BT.

Kesyo “isolated” lang raw ang kaso ni Frederico at pinagalitan na raw niya si Pangan at ang liderato ng pasilidad at nangakong dadagdagan ang pondo ng pasilidad.

Magmula noon ay wala na tayong nabalitaan tungkol sa RAC.

Kaya bagay ang tambalang Erap-Honey, pareho kasi silang walang puso na ang interes lang ay kanilang pamilya at negosyo kaya pareho silang ayaw mawala sa gobyerno.

Si Lacuna-Pangan ay dating konsehal ng 4th Dist. at anak ni dating vice mayor Danny Lacuna na perennial loser sa Maynila.

Kung kayo ay magagawi sa Bacood, Sta. Mesa, mas madaling matutunton ang bahay ng mga Lacuna kung “Pamilya Mata-Pobre” ang inyong babanggitin.

Sa susunod na natin pag-uusapan ang kaso ng kanilang pamilya na nakatengga sa Ombudsman.    

P630-M pork barrel ni Bagatsing nasaan?

ANG tigas ng leeg nitong si Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing sa pagbatikos ng walang gatol sa kanyang mga katunggali sa 2016 mayoralty race.

Kesyo kapag siya raw ang naupo sa Manila City Hall ay gagawin niyang libre ang pagpapagamot sa 6 public hospitals ng siyudad.

Hindi lang pala pork barrel ang ibinubulsa ni Amado, pati pala accomplishment ni Mayor Alfredo lim ay gusto niyang kamkamin.

Sa administrasyong Lim kasi naipatayo ang 5 sa anim na ospital at napakinabangan ng mga Manilenyo ang libreng serbisyong pangkalusugan at libreng pag-aaral.

Teka muna, batay sa website ng Kongreso, si Amado ay 19 taon palang nagsilbing mambabatas ng Maynila.

Ang tanong, ano ba ang nagawa o naging mga programa at proyekto ni Amado na pinaki-nabangan ng mga taga-Maynila?

Kung susumahin, aabot sa P1.33 bilyon ang naging pork barrel ni Amado bilang kongresista.

Aber, ano’ng proyekto ba sa Maynila ang maituturo ni Amado na naipagawa niya?

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *