Maigsi ang pantanda at walang kadala-dala ang maraming Filipino
Percy Lapid
October 2, 2015
Opinion
“Those that fail to learn from history, are doomed to repeat it.” – Winston Churchill
WALA na talagang pag-asang makabangon ang Filipinas kung ipagkakatiwala natin ang kapalaran ng bansa sa mga politiko.
Ibig sabihin, kahit saan nakakiling ang politiko, maka-kaliwa o maka-kanan man ay mahirap nang pagtiwalaan.
Marami ang muntik maduwal nang mapanood sa telebisyon ang labis na katuwaan ng mga lider ng maka-kaliwang grupo sa pagdalo ni ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap” Estrada sa 3rd National Convention ng Ma-kabayan bloc.
Sa nasabing okasyon ay nagtalumpati pa si Erap at ipinagmalaki na si Bayan Muna Rep. Nero Colmenares ang kauna-unahang senatorial bet na kanyang inendorso.
Muntik tayong mahulog sa upuan nang ma-kita ang eksenang abot-tainga ang ngiti nina Satur Ocampo, Teddy Casino, Colmenares, Liza Maza at iba pang leftist leaders habang katabi sa upuan si Erap.
Marami ang nadesmaya sa 360 degrees na pag-tumbling ng mga “makabayan” daw na lider at biglang nakikipag-lips to lips sa isang sentensiyadong mandarambong para matupad ang ambisyon na maging senador ang isa sa kanila.
Hindi ba’t sila rin ang mga pinuno na nanguna sa pagpapatalsik kay Erap noong EDSA People Power 2, pero ngayon ay kakiskisang siko na nila ang pinabagsak nilang corrupt president?
Santisima!!!
Lips-to-lips sa halalan ng ‘Makabayan’ at ni Erap?
NGAYON ay alam na natin kung bakit mula nang maupo si Erap sa Manila City Hall ay hindi naging consistent ang paninindigan ng mga progresibong grupo laban sa mga kontra-mamamayang patakaran ng sentensiyadong mandarambong sa lungsod.
Kaya pala parang binuhusan ng malamig na tubig ang mga kampanya ng mga militanteng grupo laban sa ordinansa ng administrasyong Erap na nagtatakda ng bayad sa anim na pampublikong ospital sa Maynila na dati’y libre.
Kaya pala hindi na nasundan ang market ho-liday ng market vendors kontra sa pagsasapri-bado ni Erap sa public markets sa Maynila.
Kaya pala natahimik ang pagkondena ng mga vendor sa pangingikil sa kanila ng “hulidap cops.”
Kaya pala hindi sila kumibo sa Manila truck ban ni Erap na halos lumumpo sa ating ekonomiya.
Ilan lang ito sa mga kontra-mamamayang isyu laban kay Erap na kung susumahin ay sapat na para manawagan sana sila na magbitiw sa puwesto ang alkalde.
Pero kahit ano pang pag-iling ang gawin natin ay hindi na mababago ang katotohanan, at kung buhay lang sa panahon natin si Hene-ral Luna, siguradong sisisigawan ang mga nagpapanggap na ma-kabayan ng “Mga traydor!”
‘Lapid Fire’ balik-radyo sa DZRJ 810 khz./am sa lakas na 50,000 watts
IKINAGAGALAK naming ibalita ang pinananabikang pagbabalik ng ating programang Lapid Fire sa radyo.
Simula sa Lunes (Oct. 5), ang Lapid Fire ay muli pong mapapakinggan sa bago nitong oras at himpilan.
Masusubaybayan ang Lapid Fire mula alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng umaga, araw-araw, Lunes hanggang Biyernes, saRadio DZRJ (810 Khz./AM).
Ang makasaysayang himpilan ng DZRJ ay magsisilbing bagong tahanan para sa Lapid Fire at mga ipinagmamalaking programa ng 8TriMedia Broadcasting Network sa lakas na 50,000 Watts.
Ang DZRJ ay nakilala rin sa tawag na Radyo Bandido dahil sa mahalagang papel na ginampanan nito, partikular sa ilang makasaysayang pangyayari sa bansa sa magkahiwalay na pagkakataon, taon 1986 at 2001 laban sa rehimen nina dating Pang. Ferdinand Marcos at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na kapwa pinabagsak at pinatalsik ng People Power sa EDSA.
Sa management at mga bumubuo ng 8TriMedia Broadcasting Network, maraming salamat sa tiwala at pagkakataon na muling marinig ang programang Lapid Fire sa radyo.
‘Katapat at Karancho’ ni Mayor Alfredo Lim
PAGKATAPOS natin, si Manila Mayor Alfredo Lim naman ang susunod na mapapa-kinggan sa ”Katapat at Karancho” mula alas-10:00 hanggang alas-11:00 ng umaga, kasama bilang co-anchor ang veteran print at broadcast journalist na si Miguel Gil.
Ang Katapat at Karancho sa DZRJ-810 ay isang oras na public service program para tumugon sa mga sumbong at hinaing laban sa lahat ng uri ng abuso, pagsasamantala at katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan.
Sa programang Katapat at Karancho, may kakampi ang mga naaapi!
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: lapidfire_14@yahoo.com