Sino ba si “Jenny Munar” sa ilang opisyal ng BoC?
Percy Lapid
September 30, 2015
Opinion
SIGURADONG natataranta na ang ilang opisyal ng Bureau of Customs (BoC) matapos ibuko ni dating LTO chief Virginia Torres ang pangalang “Jenny Munar” na umano ay tumanggap nang malaking halagang suhol mula sa suspected smuggler na si Philip Sy.
Malamang na nagpapalamig na rin ang umano’y kolektor ng ‘tara’ na si “Jenny Munar” kasabay nang biglang pananahimik ng mga opisyal na unang nagdawit kay Torres sa nabigong smuggling ng 64 containers ng asukal na itinatayang nagkakahalaga ng P100 million.
Tanong: Saan at kaninong tanggapan ba sa Customs nakatalaga si Jenny Munar?
Batay sa ulat, siya raw ang kumokolekta ng lingguhang ‘tara’ para sa ilang matataas na opisyal ng Customs.
Kung gano’n, dapat imbestighan kung sino-sino pang smuggler ang kinokolektahan ni Jenny at kung magkano ang lingguhang grease money na pinaghahatian ng mga opisyal sa Customs mula sa mga mandurugas ng buwis sa Adwana.
Ang balita natin, humihirit pa ng dagdag kay Philip Sy ang ilang opisyal ng Customs kaya pinigil ang mga shipment ng asukal, at sa takot na mabulgar ay inunahang akusahan si Torres sa media. Hmmmm!
Simple lang naman ang paraan upang magkaalaman, ilabas ang mga previous shipment at transaksiyones ni Philip Sy at ang mga kompanya na ginamit bilang importer at broker ng nasabat na kargamento.
Kahit itanong n’yo pa kay Manny Santos at sa Tebes Brothers!
Dahil sa pro-Duterte rally, mga survey nabistong peke
HALATANG kinakalakal nang husto ng iba’t ibang survey firm ang halalan na animo’y ang resulta nito ang magdidikta kung sino ang mananalo sa eleksyon.
Dumagsa sa Luneta ang libo-libong mamamayan mula sa iba’t ibang sector sa Luneta noong Sabado para ipakita na kursunuda nilang maging susunod na Pangulo ng Filipinas ay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Dahil dito, nag-iba ng tono ang Pulse Asia survey firm at biglang inillabas ang resulta raw ng kanilang survey na si Duterte ay kasama bilang pang-apat sa pinagpipiliang presidentiable ng tinanong raw nilang 2,400 katao.
Maling-mali at maliwanag na panlilinlang sa publiko dahil malayo sa realidad ang inilalabas na resulta ng mga survey.
Bakit magiging pang-apat lang si Duterte kung ang 6,000 katao na nagtungo sa Luneta noong Sabado na gumastos ng sariling pamasahe at nag-aksaya ng panahon ay siya ang mamanukin sa 2016 presidential elections?
Ang tinanong raw ng Pulse Asia sa kanilang survey ay 2,400 lang at hindi pa solid na pumili ng iisang presidential bet.
Ibig sabihin, milya-milya na ang lamang ni Duterte kompara kina Sen. Grace Poe, Mar Roxas, at VP Jojo Binay dahil siya ay may pruweba o warm bodies na kakampi samantala ang Pulse Asia ay walang ebidensiya kung sino ang mga taong tinanong raw nila sa survey.
Napahiya na lang iyang mga survey firms sa show of force ng mga maka-Duterte kaya napilitang isama siya sa apat na “serious 2016 presidential contenders.”
Dapat nating mapansin, walang nag-rally para sa ibang nagdeklarang tatakbo sa pagka-pangulo sa 2016 kundi kay Duterte lamang.
Kawawa naman ang mga nagbabayad sa mga survey firm para malaman ang pulso raw ng mga botante, kinukuwartahan na, ginogoyo pa.
Binay wala na sa hulog, baligtad na mag-isip
DELIKADO talagang maupo sa Palasyo si VP Jojo Binay dahil tila wala na sa ‘hulog; ang kanyang iniisip.
Sabihin ba naman kamakalawa na dapat daw ay ipagbawal ang pagsasampa ng corruption cases laban sa mga opisyal ng gobyerno, isang taon bago idaos ang halalan.
Ayon kay Binay, ginagamit daw kasi sa pananakot at harassment ang mga kaso ng katiwalian sa opisyal ng pamahalaan sa panahon ng eleksiyon.
Kailangan ba na itakda ng batas kung kailan dapat asuntuhin ang isang magnanakaw sa gobyerno?
Dahil ba nasapol siya nang husto nang mabilad sa bayan ang bilyon-bilyong kinita niya sa loob ng mahigit 20 taon na kontrolado niya ang Makati City?
Kailan ang tamang panahon para kasuhan ang tulad niyang nagmamantina ng 242 bank accounts, ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC)?
Masyado namang lugi ang taong bayan sa takbo ng pag-iisip ni Binay.
Ang dapat na isabatas ay ipagbawal na kumandidato sa halalan ang sino mang may kaso ng katiwalian o nahatulan na sa ano mang klase ng krimeng may kinalaman sa graft and corruption.
Sa ganitong paraan ay makatitiyak ang publiko na hindi sila magkakamali na magluklok ng magnanakaw bilang lider ng pamahalaan.
Kapag nakalusot ang batas na ito’y siguradong mauubos na ang politikong mula sa political dynasty sa bansa, una na rito ang mga Binay.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]