UUTUSAN ni Pangulong Benigno Aquino III si Education Secretary Armin Luistro na ‘ayusin’ ang kakapusan sa kaalaman ng mga mag-aaral sa kasaysayan ng Filipinas.
Ito ang sinabi ng Pangulo makaraang maikuwento sa kanya ang komento ng ilang netizens sa hindi pagtayo ng aktor na si Epy Quizon bilang Apolinario Mabini sa pelikulang Heneral Luna.
“Aminin ko po, ‘di ko pa napanood ito. Tampok po rito ang aktor na si Epy Quizon, na gumanap bilang si Apolinario Mabini. Ang sabi po niya, tinanong siya ng isang grupo ng mga estudyante sa kolehiyo kamakailan kung bakit ang karakter niyang si Mabini, ni isang beses, ay hindi man lang daw tumayo sa pelikula. (Tawanan) Ang komento pa raw ng ilang netizens, baka pagod lang daw noong mga panahong iyon si Mabini. Talagang napailing po tayo noong ikinuwento sa amin ito. Sabihin mang iilang estudyante lang ang nagpahayag nito, masasabing isa rin itong repleksiyon sa pagkukulang sa kaalaman sa kasaysayan ng ilang kabataan sa kasalukuyan. At maya-maya ay tatawagan natin si Bro. Armin (Luistro) para ayusin ito,” aniya sa 28th Apolinario Mabini Awards ceremony sa Palasyo kahapon.
Ngunit sa ilalim nang ipinatutupad na K to 12 program ng administrasyong Aquino ay hindi na ituturo ang Philippine History subject sa high school simula sa 2016.
Ayon sa Pangulo, hindi matatawaran ang laki at lawak ng ambag sa ating bansa ni Mabini na tinaguriang “Dakilang Paralitiko” at “Utak ng Rebolusyon.”
“Siya ang kumakatawan sa talino at paninindigan ng lahing Filipino. Talas ng isip ang kanyang naging sandata upang patibayin ang pundasyon ng ating mga demokratikong institusyon. Ipinamulat niya sa lahat na hindi lamang ang nasa katungkulan ang may tangan ng kapalaran ng bayan; may boses ang mamamayan, at sila ang bukal ng kapangyarihan sa ating bayan. Kaya nga po, sa kabila ng kondisyon ni Apolinario Mabini, ganoon na lang ang paggalang at pagdakila sa kanya, kahit pa sa panahon ng gulo at digmaan,” dagdag niya.