Mga taga-“Manila’s Panis” tiyak na hahakot ng asunto
Percy Lapid
September 25, 2015
Opinion
MALAMANG kaysa hindi, natataranta na ang ilang kagawad ng “Manila’s Panis”, este, Manila’s Finest pala, dahil tiyak na hahakot sila ng asunto.
OA, as in overacting, ang pag-aresto at pagkulong nila sa isang abogado na taga-media at dalawa pang kasama niya dahil sa pagkuwestiyon sa illegal arrest sa kanyang kli-yente.
Halata naman na hindi kayang idepensa ng mga pulis-Maynila ang illegal na pagdakip nila kay Jackson Chua Jr., kaya nang tumaas ang boses ng abogado niyang si Claire Castro sa mga parak ay hinuli at ikinulong siya.
Malaki ang pagkakaiba ng warrant of arrest kompara sa reklamo lang pala na ipinagmamala-king ginamit ng mga sangkot na pulis sa kuwes-tiyonableng pagdakip kay Chua.
Aba’y, hindi ba kidnapping ang tawag diyan kung labag sa batas ang pag-aresto at pagkulong?
Gusto marahil ng mga pulis ay mapatahimik si Claire, co-anchor ng isang malaganap na public service program sa radyo, dahil naeeskandalo sila sa mga lehitimong punto na iginigiit sa illegal na pagdakip kay Chua sa isang kuwesti-yonableng entrapment operation.
Ano kaya ang na-entrap ng mga pulis kay Chua nang makipagkita sa dating nobya nito?
Hindi ba’t ang entrapment operation ay ginagawa laban sa mga nangingikil at may sangkot na kuwarta sa usapan?
Duda ng marami, nakaamoy ng ‘pitsa’ ang mga pulis sa pag-aresto kay Chua kaya nang ibinubuko na sila ni Claire, ang abogado ang pinagbalingan.
Bakit ang mga lantarang illegal terminal, illegal vendor, nagbebenta ng shabu at mga nakaw na gamit sa kalye ay hindi hinuhuli ng mga taga-Manila’s Panis?
Bakit hindi hinuli at ikinulong ni Gen. Rolando Nana ang mga pulis niya sa Anti-Illegal Drugs Section nang makompiska ang limang kilong shabu sa kanilang mga locker sa MPD headquarters?
Bakit hindi rin niya pinarusahan ang kanyang mga pulis sa illegal na pagdakip kay Ka Jerry Yap sa kasong libel noong Easter Sunday sa NAIA?
Ano’ng klaseng ‘nana’ ba ang dumapo sa Maynila at tuluyan nang nabulok pati ang dating Manila’s Finest?
SolGen malupit sa Torre pero malambot kay Erap
INIHIHIRIT ni Solicitor General Florin Hilbay sa Korte Suprema na ipagiba ang Torre de Manila dahil sinira nito ang “iconic sight line” ng monumento ni Jose Rizal sa Luneta.
Hindi natin malaman kung anong batas ang pinagbatayan ni Hilbay samantalang ayon mismo kay Associate Justice Antonio Carpio, walang batas na nagbabawal na magtayo ng anomang estruktura ang isang owner sa kanyang private property.
Kung hindi bawal, ibig sabihin, puwede.
Marami ang nagtataka kung bakit isinasan-tabi ni Hilbay ang mga national law na ginawang batayan sa pagbibigay ng permit sa Torre de Manila gaya ng national building code at pilit ni-yang pinatatampok ang isang Manila city ordinance na kailangang humingi ng permiso sa City Council ang isang developer bago magtayo ng building sa siyudad.
Kailan pa ubrang manaig ang isang city ordinance sa national law?
Perang ninakaw ni Erap ayaw bawiin ng SolGen?
HANGGANG ngayon ay hindi pa naibabalik ni Erap ang mahigit P400-M kinulimbat niya sa kaban ng Filipinas na iniutos ng Sandiganbayan na isauli niya matapos hatulang guilty sa kasong plunder noong 2007.
Ang alam natin, ang Office of the Solicitor General ang dapat manguna sa paniningil kay Erap dahil ang implementasyon ng desisyon ng anti-graft court ay nilalabanan pa sa korte ng convicted plunderer.
Bakit tikom ang bibig ni Hilbay sa kasong ito?
NAIA pinakadelikado, mapanganib na lugar
HINDI lang sa dispalinghadong pasilidad bantog ngayon ang NAIA kundi maging sa mga empleyadong pangingikil ang bisyo.
Dalawang Amerikano na ang nabibiktima sa napakasamang gawain ng mga security personnel na pagtatanim ng bala o nilalaglagan ng bala sa bagahe para makikilan ang pasahero.
Dahil ayaw sumuka ng P30,000 ni Lane Michael White na isang American missionary, kinasuhan siya ng mga tarantadong sekyu ng NAIA ng illegal possession of ammunition at nakulong ng anim na araw hanggang makapagpiyansa.
Ang isa pang naunang biktima ay Amerikana na naka-wheelchair pa na napilitang mag-abot ng P500 sa taga-Office of Transportation Security (OTS) para hindi siya pigilang makaalis pabalik ng US.
Kung nauulit ang ganitong illegal na gawain sa NAIA, ibig sabihin ay walang kinatatakutan ang mga walanghiyang empleyado roon dahil mukhang deadma lang ang liderato ng NAIA.
Huwag na tayong magulat kapag naglabas ng travel advisory ang US Embassy sa kanilang mamamayan na iwasang magpunta sa Filipinas dahil laganap ang korupsiyon at pinababayaan lang ng gobyerno.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]